Abante Tonite Interactive

Mga netizen nalula sa Talent Fee ng Black Eyed Peas

1,366

Nalula ang mga netizen sa laki ng talent fee ng Black Eyed Peas na umano’y may $1 million o P50,682,000. Nakatakda sana silang mag-perform dito sa bansa sa darating na Southeast Asian Games (SEAG). Gaganapin ito sa November 30 hanggang December 11. Sa latest reports ay tila mapupurnada nga ito dahil sa kontrobersiya.

May local singers naman na magpi-perform din tulad nina Lea Salonga na umano’y may P1.425 million na TF at Ryan Cayabyab na P1.4M daw ang budget.

Kinuha namin ang reaksyon ng all-male trio group na JBK (Joshua Guloy, Bryan del Rosario, Kim Ordono) tungkol sa pagkuha sa Black Eyed Peas. Dapat pa ba na may international singer na kunin?

Sabi ni Joshua, “Ako reaksyon ko, wala sa lahi ‘yan, eh. Kung gaano ka kagaling at kung gaano ka ka-professional, ‘yun ang dapat kinukuha. Kung kinuha man ang Black Eyed Peas, deserved naman nila ang malaking talent fee kasi magagaling sila at kilang-kilala sila, hindi lang sa bansa natin kundi maging sa ibang mga bansa rin. At sa mga local artist naman natin na kakanta roon, siguro deserve din sila dahil magagaling din sila at kilala rin sila sa ibang bansa.”

Ayon naman kay Bryan, “Hindi naman sa pabor, pero okey lang na kunin sila, I mean for that kind of entertainment. Kasi ang Black Eyed Peas, may isang member naman diyan na may lahing Pinoy, si Apl.de.ap.”

Reaksyon naman ni Kim, “Gaya nga ng sabi ni Josh, ang swerte ng Black Eyed Peas na kunin sila sa ganoong talent fee. Kaya naman kasi sila kinuha, dahil idol sila ng maraming tao. At kaya rin siguro sila ang kinuha, dahil hindi lang naman mga Pinoy ang manonood ng SEA Games, kundi marami ring foreigners. So, dapat lang na paghandaan natin, ibigay natin ‘yung best show na kaya nating ipakita sa kanila.”

Nakausap namin ang JBK sa launch ng kanilang single titled “Anestisya” na sinulat ng kasama sa panulat na si Jojo Panaligan. At ang producer ng single ay ang Rider Ph Studios.

Samantala, maraming netizen ang nagsasabing masyadong mahal ang inilaang budget ng gobyerno para sa darating na SEA Games. (Rommel Placente)