Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga OFW ‘di nakakalimutan ni Cayetano

0 246

Malapit sa puso ni dating Speaker Alan Peter Cayetano ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at patuloy niya itong pinatutunayan sa mga isinusulong niyang panukalang magbebenepisyo sa sector na ito na tila napapabayaan ng kasalukuyang administrasyon.

Kamakailan, pinaabot na ng grupo ni Cayetano sa mga OFWs ang kanyang Sampung Libong Pag-asa program kung saan bawat benepisyaryo ay binibigay ng P10K ayuda. Matagal nang ipinaglalaban ng dating speaker na mapansin ang P10K Ayuda Bill pero mukhang talagang pang-P1K ayuda lang ang peg ng kasalukuyang liderato ng Kamara. Kaya naman ang grupo ni Cayetano ay tuloy sa pamimigay ng P10K ayuda sa pamamagitan ng sariling sikap at kasama na sa mga nabigyan ang mga may-ari ng sari-sari store, manikurista, mangingisda, magsasaka, jeepney at tricycle drivers, PWD at senior citizens.

Sa ngayon umaabot na sa 1,400 na mga benepisyaryo ang nakatanggap ng P10K ayuda ni Cayetano at mga kongresistang nabibilang sa Back To Service (BTS) group sa Kamara upang matulungan ang ating mga kababayan na makaahon at makapagsimula ng maliit na kabuhayan.

Pinakahuling naabutan ng P10K ayuda ang mga OFWs noong Biyernes. Ang pamimigay ng P10K ayuda OFW edition ay isinabay sa isinagawang online town hall meeting ni Cayetano kasama sina Department of Foreign Affairs (DFA) Usec. Sarah Arriola, mga OFWs at mga leader ng OFW groups kung saan tinalakay din ang mga hinaing at problemang kinakaharap sa ngayon dahil sa pandemyang COVID-19.

Akala ng iba ay mayayaman ang ating mga OFW dahil abroad, dahil dollars. Pero karamihan sa kanila ay patuloy na hikahos lalo na at karamihan sa kanila ay domestic helpers at laborers sa ibang bansa. At hindi rin naman sila exempted sa COVID-19. Hindi lamang ang kanilang pamilya ang nabibiktima kundi pati sila mismo kung saan mas kaawa-awa pa nga sila kapag tinamaan ng COVID dahil mag-isa lang sila. Marami ring OFWs ng inabutan ng pagbabakasyon ang tuluyang hindi nakabalik sa abroad dahil sa pandemya.

SM food to go Banner Ad

Kaya naman isinusulong ni Cayetano na magkaroon ng isang departamento na tututok lamang sa OFWs. Naipasa na sa ikatlong pagbasa sa Kamara ang panukalang pagtatatag ng departamento para sa OFWs noong Marso 2020 sa ilalim ng liderato ni Cayetano bilang lider ng Kamara pero hindi ito nagawang ipasa ng Senado kaya tuluyan nang nabinbin at nakalimutan. Nawala na ba ito sa prayoridad ng Kongreso at gobyerno?

Sabi nga ni Cayetano, “itigil na nating sabihin na priority natin ang OFWs kung hindi natin ipa-prioritize. Kung bibigyan natin sila ng sariling departamento, 100 percent: walang gagawin ang Secretary kung hindi welfare nila at ‘yung mga bansa na mas mataas ang sweldo at mas maganda ang kalagayan, ma-open ang market sa mga Pilipino”.

Si Cayetano ay dating naging Foreign Affairs secretary at dito niya nakita nang husto ang kalagayan ng mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa. Bilang DFA secretary ay isinulong ni Cayetano ang pagtataas ng ng Assistance to Nationals Fund mula P400 milyon na ginawang P1 bilyon gayundin ang pagdadagdag ng Legal Assistance Fund mula sa dating P100 milyon na ginawang P200 milyon. Ginawa rin ni Cayetano na maging sampung taon na ang validity ng passport mula sa dating limang taon na malaking tulong sa sambayanang Pinoy lalo’t higit sa OFWs natin.

Bilang dating DFA secretary, nakita rin ni Cayetano na kailangan talagang may isang departamento at may Secretary na talagang nakapokus lamang sa mga problema ng OFWs natin na sinasabing mga bagong bayani ng bayan. Ang Department of Filipinos Overseas and Foreign Employment ang inaasahang magbibigay ng proteksyon sa karapatan at kaayusan ng OFWs, magpapatupad ng mga programang kapaki-pakinabang sa kanilang sector at magbabantay sa kanilang mga trabaho at nasusuungang kaso.

Buti pa si Cayetano ‘di kinakalimutan ang mga kababayan nating OFWs. Ang mga senador natin, sana ‘wag din silang kalimutan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.