Abante Tonite Interactive

Mga OFW napraning sa over quarantine

0 699

Nakakaranas na umano ng problema sa pag-iisip ang ilang overseas Filipino workers (OFWs) na nasa halfway homes sa Metro Manila dahil sa matagal na quarantine.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas, sinabi ni Administrator Hans Leo Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nagkakaroon na ng mental health issue ang ilan sa mga naka-quarantine na OFW kaya pinuntahan na ang mga ito ng isang team mula sa National Center for Mental Health (NCMH).

Gayunman, hindi tinukoy ni Cacdac kung ang mga OFW na nakakaranas ng mental health issues ay dahil sa depression o matinding pagbagot sa paghihintay kung kailan makauwi ang mga ito sa kani-kanilang mga lugar.

“Yung mga nagkakaroon ng mental health issues, tiningnan na ng National Center for Mental Health team at ina-assess na ang sitwasyon ng mga ito sa halfway homes,”ani Cacdac.

Mayroon na rin aniyang ibinibigay ang OWWA na psychosocial counselling sa mga OFW na nasa iba’t ibang quarantine facility sa Metro Manila habang naghihintay sa resulta ng kanilang COVID test.

“Meron tayong psychosocial counselors na umiikot , hindi necessarily para doon sa mga mental cases kundi parang gabayan lang yung mga tao sa psychosocial counselling,”dagdag ni Cacdac.

Karamihan sa mga OFW na hindi pa rin nakakauwi sa kani-kanilang lugar ay dumating sa bansa noong buwan ng Abril pa at lagpas na sa 14-day quarantine dahil sa ipinairal na swab testing requirement na matagal lumabas ang resulta.

Ilan sa mga OFW na naghihintay sa resulta ng kanilang swab test ay inabutan na ng panganganak sa Metro Manila.

Sinabi ni Cacdac na mayroon pang tinatayang nasa 50 buntis na OFW ang binabantayan ng OWWA sa ngayon para masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng mga ito.((Aileen Taliping)

Tonite – Wendys Inhouse Ad