Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga OFW, pamilya ng health worker inuna sa bakuna

0 229

Kabilang na rin ang mga paalis na overseas Filipino worker (OFW) at pamilya ng mga health worker sa A1 priority group ng mga babakunahan laban sa COVID-19.

Ito’y base sa inilabas na bagong klasipikasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases para sa mga prayoridad ng gobyerno na mabakunahan.

Nabatid na ang mga OFW na nakatakdang umalis ng bansa sa loob ng apat na buwan ay pasok na sa A1 category. Gayundin ang pamilya ng mga health worker na agad tuturukan sa sandaling mayroon nang supply ng COVID-19 bakuna.

Batay pa sa IATF, ang mga economic frontliner na pasok sa A4 category ay puwedeng mabigyan ng COVID-19 bakuna agad.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kabilang sa mga ito ang mga pribadong manggagawa na pumapasok sa kanilang opisina, mga empleyado ng gobyerno, mga kawani ng local government unit, informal sector workers, mga self-employed at kasambahay.

Ang mga unang mababakunahan sa ilalim ng A4 category ay mga manggagawa sa NCR Plus 8 o mula sa National Capital Region, Bulacan, Pampanga, Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Metro Cebu at Metro Davao.

Sinabi ni Roque na inaasahang masisimulan ang pagbakuna sa A4 category sa priority list ng gobyerno sa susunod na buwan. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.