Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga OFW titba sa reward money

0 415

May bago nang pagkakakitaan ang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Taiwan. Maaari silang maging milyonaryo kung maituturo nila ang kinaroroonan ni Wong Ching Yin (aka David Wong), ang pangunahing suspek sa napaulat na P3.2 billion investment fraud sa Cebu.

Kamakailan lamang ay nag-alok ng P2 milyong pabuya si Valerie Gaisano-Sebastian para sa makapagbibigay ng impormasyon sa ikahuhuli ni Wong. Nakatanggap kasi ng impormasyon ang pamilya Gaisano na nagtatago sa Taiwan si Wong.

Sumulat na si Valerie kay National Bureau of Investigation (NBI) chief Eric B. Distor para ipaalam na nakatanggap sila ng mapagkakatiwalaang impormasyon na nagtatago sa Taiwan ang suspek. Umaasa si Valerie na titimbrihan ng NBI ang INTERPOL para madakip ang nagtatagong si Wong. Noon pang Oktubre 2019 isinahog sa Red Notice ng INTERPOL si Wong at mga kapwa akusado sa syndicated estafa sa Cebu Regional Trial Court.

Bago nagkaroon ng COVID-19 pandemic, higit sa 150,000 OFW ang nagtatrabaho sa Taiwan. Malaking bagay ang inalok na P2 milyong reward para madakip si Wong, aba’y kilalang tsismoso kasi ang mga Pinoy kaya’t makakatulong sa kanila ang makukuhang impormasyon sa mga kaibigan at kakilala.

Pero hindi ganoon kadali ang paghuli sa suspek dahil kilalang palos ito at posibleng maraming koneksyon sa Taiwan. Kahit nga nagtatago ito sa batas, nagagawa pa ng kanyang abogado na maghain ng petisyon sa Supreme Court para ilipat ang kanyang kaso sa Makati RTC mula sa korte sa Cebu.

Pinagbigyan naman ng SC ang request ni Wong pero ang utos ay pinadala kay Judge James Stewart Himalaloan ng Cebu RTC Branch 7, ang korte na orihinal na duminig sa kaso. Hindi makakilos si Judge Himalaloan dahil nakapag-inhibit na siya sa kaso.

Kung matitimbog sa Taiwan si Wong, gugulong na rin ang hustisya na matagal nang inaasam ng pamilya Gaisano. Kung ipinipilit ni Wong na inosente siya, mas makabubuting sumuko na lamang siya at patunayan sa korte na wala siyang kinalaman sa kinasasangkutang kaso.

Pero dahil sa ginawa niyang pagtatago, nagkaroon na ng bahid ang kanyang reputasyon. At sa ilalim ng batas, hindi dapat binibigyan ng special treatment ang isang pugante.

Leave A Reply

Your email address will not be published.