Abante Tonite Interactive

Mga opisina ng gobyerno nakakadagdag sa trapiko

242

FOR THE RECORD

Kung ano-anong solusyon ang inilalatag ng gobyerno para maibsan ang problema sa trapiko sa Metro Manila.

Pinakahuli ay ang pagbibigay muli kay Pangulong Rodrigo Duterte ng emergency power na nabigong ibigay sa nakalipas na Kongreso.

Abante Hiring – IT dep

Para sa akin, hindi naman talaga kaila­ngan ang anumang power para maayos ang daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Ang dapat nating gawin ay pairalin ang disiplina. Mula sa pedestrian hanggang sa mga motorista.

Kapag nanumbalik ang disiplina na­ting lahat ay tiyak na mababawasan ang problema natin sa trapiko na napakahabang panahon na nating pinagdaraanan.

Isa pang nakikita kong best na solusyon sa problemang ito ay ang pagtanggal sa mga opisina ng gobyerno sa national road.

Nakakadagdag kasi sa pagsisikip sa daloy ng trapiko ang sandamakmak na sasakyang pumapasok at lumalabas sa mga opisina.

Hindi na nga maawat ang pagtatayo ng mga commercial establishment katulad ng mga mall sa mga pangunahing kalsada ay nakakadagdag pa ang mga opisina ng gobyerno sa national road.

Ang sa akin bakit ‘di magtayo sa hindi matrapik na lugar ang mga opisina ng gobyerno na tila one stop shop para hindi sila nakakadagdag sa masikip na daloy ng trapiko?

Ang nakikita kasi nating problema sa ngayon ay nakatambak sa national road ang mga tanggapan ng ating gobyerno, katulad na lamang sa Quezon City kung saan ay magkakatabi ang mga opisina ng LTO, LTFRB, SSS, PSA at kung ano-ano pang gov’t offices.

Ang mga tanggapang ito ay lalong nagpapasikip ng daloy ng trapiko sa maraming bahagi ng Quezon City.

Maging ang mga itinayong satellite office ng nasabing mga tanggapan katulad ng LTO ay ipinuwesto rin sa major road katulad sa Quirino Highway sa Quezon City.

Kaya ang resulta kahit pinalawak na ang kalsada ay matinding pagsisikip ng trapiko pa rin ang madalas na dinaranas ng publiko.

Maliban kasi sa paglabas-masok ng mga sasakyan sa nasabing tanggapan ay nakakadagdag pa sa masikip na daloy ng trapiko ang nagkalat na mga fixer na na­ngingialam sa pagmamando ng trapiko.

Kaya ang resulta buhol-buhol na trapiko dahil sa pagbibigay prayoridad ng mga fixer sa kanilang mga nadadaleng kliyente.

Sa palagay ko kapag inilayo ang mga tanggapan ng gobyerno at naging magkakadikit na sa iisang lugar ay laking ginhawa sa major road at baka maglaho na rin ang mga pasaway na fixer.

Sana ay may makaisip ng ganitong solus­yon tutal din lang ay maglalabas ng bilyones ang gobyerno para solusyunan ang problema sa trapiko.