Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga oportunista ariba na naman!

0 373

Buhay na buhay na naman ang mga politiko sa pagsakay sa isyu nang pagpatay ng isang pulis sa mag-ina sa Paniqui,Tarlac.

Matapos mag-viral sa social media ang brutal na pamamaril ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio ay mistulang mga palakang naulanan ang mga politiko at kanya-kanya ng ingay sa karumal-dumal na krimen.

Hindi lang naman mga politiko ang sumakay sa isyu kundi pati na rin iba’t ibang grupo at indibidwal na nagbibigay ng kanilang umano’y “academic” at legal na opinion sa krimen.

Sa isang iglap ay marami ang biglang tumalino, marami ang nagmistulang abogado at mga hukom para makasakay lang sa mainit na usaping ito.

May iba pa nga, mga halal na opisyal na gusto agad paimbestigahan ang Philippine National Police (PNP) dahil sa naging aksiyon ni Nuezca.

Ang PNP organization ang agad na gustong pitpitin sa kasalanan ng killer cop na nagkataong off-duty nang pagbabarilin ang mag-ina. Malinaw na walang kaugnayan sa trabaho ni Nuezca ang nagawang krimen pero dito pilit na gustong iugnay ito ng mga sabik sa publisidad dahil sa pagiging pulis nito.

Nakakabilib, napakaraming matalinong Pinoy ngayon sa social media, pati na rin sa Kongreso .

SM SuperKidsDay Banner Ad

Iilang halal na politiko lamang ang mayroong tuwid na opinyon sa nangyaring krimen pero mas marami ang sumasakay lamang na tila ba nasabik sa publisidad dahil sa siyam na buwang pagka-quarantine.

Ang kasalanan ni Juan ay hindi dapat isisi kay Pedro. Dapat tingnan muna ang magkabilang panig at alamin muna kung ano ang totoong nangyari bago magsalita na parang abugado at hukom na may hatol na agad ng publiko.

Hayaan po natin na ang korte ang lumitis, humusga at magparusa sa killer cop at huwag kaladkarin ang buong organisasyon sa kasalanan ng iisa.

Mas maramin matinong pulis kaysa bugok sa kanilang hanay at tila ba mabilis na nakalimot ang mga Pinoy sa mga nakaka-proud na ginawa ng mga alagad ng batas.

Nakalimutan nyo na ba ang ilang buwang pakikipaglaban ng mga pulis noong may giyera sa Marawi City? Hindi ba sinasaluduhan pa ang mga ito noong bumalik na sa Maynila dahil buhay na nakapabalik at naipagtanggol ang bayan laban sa mga terorista?

Nakalimutan nyo na ba ang buhay na isinakripisyo ng SAF 44 sa Mindanao? Ano ba’t tila mas matimbang sa publiko kapag mayroong iisang luko-luko at siraulong gumawa ng krimen at gusto ibaon ang latay sa buong hanay mg PNP.

Maging mapanuri, timbangin ang katwiran sa halip na arya ng arya , kuda ng kuda para lamang mayroong “mema” at makasali sa diskusyon para iparamdam na mayroon kang silbi sa lipunan kahit sa katotohanan ay wala at panggulo ka lang!

Leave A Reply

Your email address will not be published.