Abante Tonite Interactive

Mga pamahiin sa pagsasabong

0 295

Bukod sa kulay o balahibo ng manok na ilalaban ayon sa buwan na pinaniniwalaan ng mga matatandang sabungero, may hiwalay na mga pamahiin din sila sa araw ng labanan.

Ayon sa ilang matatandang sabungero, ‘di na nila itinutuloy ang laban kapag nakasalubong sila ng karo ng patay habang papunta sa sabungan. Anila, malas ito at tiyak na talo ang ilalaban nilang manok.

“Ang ginagawa ko alerto ako, kapag bumibiyahe kami papuntang sabungan, kapag nakita ko na may masasalubong kaming karo ng patay o malalampasan namin ay iniiwas ko na ‘yung sasakyan,” kuwento ni Mang Semyo Cristobal na taga-Iloilo.

May ibang sabungero naman na ‘di nagsusuot ng itim na damit at ayaw nilang makatabi sa sasakyan o sa sabungan ang mga nakasuot ng itim dahil para sa kanila ay magluluksa sila sa talo.

Sa manok naman, ayaw ng ibang mga sabungero na nalalaglagan ng balahibo o buntot ang kanilang manok sa ruweda dahil ‘di na sila makakaayaw at kontra malas ang ginagawa ng mga tagabitaw, pinupulot ang balahibo o buntot at ibubulsa.

Ang iba naman ay ayaw ng mga nagbibitaw ng manok na naiikutan sila ng kanilang kalaban kaya hangga’t maaari ay nakabantay hanggang sa pagpanhik ng ruwede ang kanilang kalaban.

Maraming pamahiin sa sabong marami ang naniniwala pero marami rin ang dedma lang at walang pakialam. Katwiran nila parehong may tare ang magsasalpukang manok.

“Ilang beses na rin akong may nakakasalubong na karo ng patay pero nanalo naman ang panlaban ko, siguro ‘yung iba natitiyempo lang,” saad ni Joselito Digamo na nagsasabong sa San Juan Coliseum.

“Pero nirerespeto ko ang paniwala ng iba, ‘di ko naman sinasabing ‘di totoo ‘yun.” (Elech Dawa)