Abante Tonite Interactive

Mga pampasabog, baril nasamsam sa magkalabang PAG sa Maguindanao

236

Nasamsam ng militar ang iba’t ibang malalakas na kalibre ng baril, pampasabog at mga bala makaraang isagawa ang operasyon laban sa naganap na engkuwentro ng dalawang grupo ng mga private armed group (PAG) sa Brgy. Bentan, Talitay, Maguin­danao.

Ayon kay 6th Infantry Division spokesperson Major Arvin Encinas, ang mga armadong grupo ay mga tauhan ng magkalabang politiko.

Agad na rumesponde ang mga tropa ng 90th Infantry Battalion at 61st Division Reconnaissance Company matapos matanggap ang ulat hinggil sa engkuwentro ng dalawang grupo kamakalawa nang umaga. kung saan nabatid na daan-daang residente ang naipit sa bakbakan na agad pinalikas ng militar.

Matapos ang ginawang operas­yon ay naawat ng mga sundalo ang dalawang naglalabang grupo na agad nagsitakas.

Narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ng dalawang PAG ang isang M16 rifle, apat na M653 rifle, dalawang M203 rifle, dalawang M14 rifle, isang M79 rifle, Garrand rifle, 2 Thomson, 1 Carbine, 1 homemade shotgun, 1 KG9 Luger, 1 60mm mortar, 1 Baofing Radio, 15 na piraso na malaking plastic drum na pinaghihinalaang anti-personnel mine, 12 PVC anti-personnel mine at 4 na granda.