Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga pampasabog nasabat sa checkpoint

0 155

INARESTO ng pinagsanib na pwersa ng militar at pulis ang isang suspek nang makitaan ito ng mga iba’t ibang uri ng pampasabog at armas sa loob ng sinasakyang multi-cab sa Surigao del Sur.

Kinilala ang suspek na si Sarvina Rivas Quijano alias Soping, na naaresto sa checkpoint habang sakay ng multi-cab.

Nagmamando sa checkpoint ang 3rd Special Forces Battalion (3SFBN) at 1st Police Mobile Force Company (PMFC) ng Surigao del Sur Provincial Police Office nang makita ng mga tropa ng pamahalaan na nakausli ang mga bariles ng mga rifle grenades sa multi-cab kaya ininspeksyon nila ang kabuuan nito.

Bumungad ang 2 improvised explosive devices (IEDs), blasting cap na may detonating cord, 3 rifle grenade, 5 analog cellphones, laptop, mga dokumento, SIM cards, external drive at memory card na pag-aari umano ng suspek.

Napag-alaman na dating rebelde ang suspek at nagsilbing finance staff na miyembro ng Northeastern Mindanao Regional Committee (NEMRC). Siya ay asawa ni Marcelino Tampos Navarro alias Marsing, ang NEMRC Deputy Secretary at pinuno ng Education at Propaganda na napatay sa engkuwentro sa Sitio Panukmoan, Diatagon, Lianga noong Hulyo 7. (Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.