Abante Tonite Interactive

Mga pasaway na PUI at PUM binoldyak ng Malacanang

0 632

Sinermunan ng Malacañang ang mga opisyal ng gobyerno na hindi sumunod sa mga patakaran ng Department of Health (DOH) kaugnay sa pag-iingat sa coronavirus disease 2019.

Kasunod ito ng report na nilabag ng ilang opisyal ang mga itinakdang protocol ng DOH para hindi kumalat ang COVID-19 at makahawa sa ibang tao.

Bagamat hindi pinangalanan, malinaw na ang tinutukoy ng Palasyo ay sina Senador Koko Pimentel at Congressman Eric Yap na kapwa umanong COVID-19 positive.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, dapat sumunod ang mga opisyal, kahit ano pa mang ang status ng mga ito sa gobyerno at sa lipunan.

Dapat aniya na magpakita ng magandang halimbawa ang mga opisyal ng gobyerno sa halip na sila pa ang maging dahilan para magdulot ng pangamba sa publiko.

“The protocols set by the government for persons under investigation or monitoring must be strictly and absolutely observed by all people , regardless of their socio-political status,” ani Panelo.

Ipinauubaya na ni Panelo sa DOH ang pagpapasya kung mag-iimbestiga at pananagutin ang mga opisyal na lumabag sa itinakdang protocol para sa COVID positive patients.

“The Office of the President deems it appropriate that the same be formally evaluated by the concerned agencies upon a complaint or otherwise to ascertain the true facts behind the incidents.

Sa ilalim aniya ng Konstitusyon ay pantay pantay ang pagtrato sa bawat mamamayan at ang sinomang nagkasala ay dapat na parusahan batay sa itinatakda ng batas.

“The equal protection clause of the Constitution imposes equal treatment to all. Any transgressor therefore must be dealt with in accordance with the law,” wika pa ni Panelo.(Aileen Taliping)