Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga pasaway nagpiyesta sa curfew

0 92

Kung natuwa ang business sector dahil sa mas pinaiksing curfew sa Metro Manila , mas natuwa ang mga pasaway dahil ngayon ay napahaba na ang kanilang pananatili sa lansangan.

Mula sa dating oras na alas diyes ng gabi ay ginawa na ng mga alkalde sa National Capital Region na alas dose na ng hatinggabi ang simula ng curfew hanggang alas kuwatro ng umaga.

Dahil dito nagpiyesta ang mga pasaway sa kalsada at talagang sinasagad ang alas dose bago umuwi sa kani-kanilang mga tahanan.

Kung dati ay halos walang makitang tao sa mga kalsada at maliliit na eskinita, kabaliktaran ngayon dahil alas sais pa lang ng gabi ay marami na ang nakahilera sa mga kalye at ginagawa ang dating gawi na umpukan at huntahan sa harap ng katotohanan na mayroon pa ring banta ng COVID-19 sa bansa.

Tila ba mga asal-paniking naglalabasan ang mga pasaway pagsapit ng takipsilim at ang iba ay walang suot na face mask kahit pa batid naman na mayroon pa ring pandemya sa bansa.

Walang ginagawa ang mga opisyal ng barangay o kaya mga barangay tanod para ipaalalang mayroon pa ring panganib ng mabagsik na virus.

Maging ang mga kabataang-hamog ay nagkalat din sa mga gilid ng kalye at ginawang tambayan ang paanan ng footbridge sa harapan ng isang eskuwelahan malapit sa Malacañang.

Tila may mga lingkod-bayan na natutulog sa pansitan dahil hindi na naasikaso ang mahigpit na implementasyon ng public health protocols para makaiwas sa COVID-19.

Kapag muling dumami ang mga nagkakasakit ay saka na naman muling susunod ang mga pasaway kung kailan huli na dahil madadagdag na sila sa listahan ng mga tinamaan ng virus.

Pabor ang bagong curfew adjustment sa business sector dahil madadagdagan ang kanilang operating hours at unti-unting makabawi mula sa mahigit isang taong pagkalugi.

Ito naman talaga ang layunin ng mas pinaiksing curfew hours–ang dahan-dahang makapagbukas na ng ekonomiya subalit piyesta ito sa mga Pinoy na nainip at marahil ay nakaranas ng fatigue sa pandemic dahil sa matagal na pagiging homeliner.

Pero gamitin naman ang sentido kumon dahil ang pinaiksing curfew ay hindi para sa inyo mga pasaway, hindi kayo binigyan ng permiso para magbabad at tumambay sa labas at sa mga eskinita para sumagap ng COVID-19 kahit pa ang iba marahil sa inyo ay bakunado na.

Sumunod sa patakaran ng gobyerno habang mayroon pang pandemya at saka nyo na lang gawin ang dating nakasanayang pagtambay kapag malaya na ang bansa sa salot na COVID-19.

Leave A Reply

Your email address will not be published.