Abante Tonite Interactive

Mga pasaway sa Mabalacat City

355

Matagal na akong naninirahan sa Mabalacat City sa Pampanga sapul na makapag-asawa ako ng isang Kapampangan at nasaksihan ko ang pag-unlad nito. Mula pa lamang noong isa itong bayan pa lang hanggang maging ganap na lungsod.

Kapag nagawi kasi kayo sa Mabalacat, dito pa lang sa bahagi ng Barangay Dau, kung saan makikita ang grand terminal para sa mga provincial bus, makikita ang laki ng pagbabago.

Maraming mga establisimyento. May mall, may supermarket, iba’t ibang mga fast food chain at malapad na rin ang kalsada, gayunman hindi pa rin sapat ang laki dahil sobrang trapik pa rin sa lugar.

Maliwanag na rin ang kalsada dahil inilawan ang lahat ng poste kaya hindi nakakatakot maglakad sa gabi. Dati kasi kulang, kaya nagkakaroon ng aksidente lalo na sa ilang madi­lim na bahagi ng mga lansangan.

Isa lang lang naman ang kapansin-pansin sa lugar, ang sobrang trapik sa maraming bahagi ng lungsod na ito. Lalo na sa bahagi ng Dau, ang pinakamalaking barangay ng lungsod.

Masigasig naman ang pinuno ng Mabalacat City, si Mayor Cris Garbo. At para maibsan ang lumalalang trapik sa kahabaan ng MacArthur Highway, inu­tos niyang tanggalin ang lahat na obstruction o sagabal tulad ng mga sidewalk vendor.

Pero hindi pa rin sapat. Para kasing ningas kugon ang kampanya. Sa umpisa lang maganda pero makalipas ang ilang linggo, wala na nagbalikan pa rin ang mga pasaway o mga sagabal sa kalsada. Eh kasi nga kulang sa personnel na siyang tututok sa mga pasaway na ito.

Tingin ko sumasakit na rin ang ulo ni Ma­yor Garbo. Aminin man niya o hindi, walang disi­plina ang karamihan sa kanyang mga consti­tuent. Hindi ko alam kung walang alam sa batas o talagang wala lang talaga silang disi­plina.

Halimbawa, ang Motorcyle Helmet Act. Simple lang ‘yan, hindi na siguro kailangang i-interpret pa. Pero sa tuwing nagda-drive ako, karamihan ng nakasalubong ko walang suot na helmet ang mga rider.

Related Posts

May mga nakita pa ako na mga kabataan, ang iba 12-anyos pa lang, nagda-drive ng motor, walang helmet. Minsan pa tatlong mga babaeng teena­ger sa isang motor, wala ring helmet. Sa gabi naman, walang ilaw ang mga motor.

Nandiyan din ang pasaway na mga motorista na mahilig mag-counter flow.

Ang highway ginagawang parkin­g lot. Trapik na nga, ginagawa pang parking lot ang mga kalsada.

Pati mga bulok na pampasaherong jeepney na nagbubuga ng makapal at maitim na usok, nagkalat din sa kalsada. Hindi rin hinuhuli.

Tingin ko diyan, hindi lang din kulang sa disiplina ang problema. Kulang din sa enforcement ang pamahalaang lokal. Eh kasi ba naman, ang mga traffic enforcer walang magawa, napa­kaluwag. Hindi makapanghuli ng mga luma­labag.

Nakausap ko nga ang ilang traffic enfor­cer at katuwiran hindi nila matikitan dahil madalas inaarbor, kasi kamag-anak ito ni konsehal, tao raw ni ma­yor, dikit kay mayor, may kamag-anak sa city hall. Kaya resulta, kamot na lang sa ulo, walang huli.

Simple lang naman ang solusyon para may kaayusan sa trapiko. Istriktong pagpapatupad ng batas.

Dapat walang sina­santo ang mga traffic enforcer. Huli kung huli. Pero ganyan pa rin ang sistema, simple lang ang sagot, wala pa ring pagbabago.

Kaya, Mayor Garbo, gumawa kayo ng paraan para rito. Kung madidisiplina ninyo ang mga kababayan mo, sigurado iyan ang higit na maalala sa inyo ng tao.