Abante Tonite Interactive

Mga pasyenteng gumaling sa COVID ayaw umuwi

669

May ilang pasyente ng Capitol Medical Center na nasa Emergency Room at ilang nakarekober sa COVID-19, ang tumatangging umuwi sa kanilang mga bahay sa pangambang mahawa ang kanilang mga mahal sa buhay.

Sinabi ni CMC medical director Dr. Lilia Luna, sinabi ng ilang pasyente na wala silang lugar sa kanilang bahay para sa isolation.

“Ayaw po nilang umuwi dahil unang-una maraming nagsasabi na may kasama sila sa bahay, baka mahawa sa kanila,” ayon kay Luna.

“Wala silang facility sa bahay nila for isolation kasi po dapat isolated pa sila mga 14 days habang hinihintay ulit ‘yung dalawang negative test (result) nila,” dagdag ni Luna.

Sanhi nito, may mga pasyente na nanatiling nasa emergency room at naghihintay na mabakante ang ginagamit na pasilidad ng mga COVID patient na naghihintay pa ng kanilang panibagong tests.

“Aming inaalala kasi, may mga pasyente sa emergency room na kailangan doon sa kuwarto pero namamalagi sila sa emergency room,”ayon kay Luna.

Gayundin kulang na rin ang kanilang manpower sa ER dahil 70 na ang nasa PUM at dalawa ang nagpositibo sa COVID-19.(Juliet de Loza-Cudia)

Tonite – Wendys Inhouse Ad