Abante Tonite Interactive

Mga patay na baboy tinapon sa Nueva Ecija

403

Mahigit sa isang dosenang patay na baboy na pinaniniwalaang tinamaan ng sakit na African Swine Fever (ASF) ang natagpuan ng mga residente sa likod ng jeepney terminal sa Bambang, Nueva Ecija Linggo nang umaga.

Ayon sa mga residente, nagsisimula nang mangamoy ang mga baboy at pinagpipiyestahan na ito ng sangkaterbang langaw ng kanilang madiskubre.
Agad itong ipinagbigay alam ng mga residente sa lokal na pamahalaan na mabilis namang umaksiyon at ipinalibing ang mga patay na baboy.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang reponsable ng pagtatapon ng mga patay na baboy sa likod ng terminal na maaari masampahan ng kaso dahil sa kanilang kapabayaan.

Matatandaang bukod sa mga lalawigan ng Bulacan, Rizal, at Pampanga ay sinabi ng Department of Agriculture na may ilan pang mga lugar silang ilalagay sa quarantine upang hindi na kumalat ang ASF.

Pinayuhan naman ni DA Secretary William Dar ang mga hog raiser na i-report sa kanyang tanggapan kung ang kanilang mga alagang baboy ay nanghihina at may mga sakit o kaya ay namatay.

Sakaling hindi naman nila makuhang i-report ang mga namatay na alagang baboy ay ilibing na lang ito ng may lalim na 10 talampakan upang hindi na kumalat pa ang virus na dala ng nasabing sakit at huwag lang basta itapon kung saan-saan dahil may kaakibat na parusa sa sinumang mapapatunayang basta lang nagtapon ng mga patay sa baboy. (Edwin Balasa)