Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga PDEA tipster binigyan ng ₱3.6M pabuya

0 250

Nakatanggap ang 16 civilian informant ng kabuuang P3,594,314.94 cash reward mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa pagbibigay nila ng mahalagang impormasyon sa mga awtoridad na nagresulta sa matagumpay na anti-illegal drug operations sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Mismong si PDEA Director General Wilkins Villanueva ang nanguna sa awarding ceremony na idinaos kahapon ng umaga sa PDEA National Headquarters sa Quezon City.

Kinilala lamang sa kanilang codenames ang mga impormante na nakatanggap ng pabuya, na kinabibilangan nina George, Quarang, Dambo, Hagibis, Hapon, Johnny, Panda, Pantalan, Alvin, Kobid-19, Pogi, Chuckie, Summer, Tukil, Mambo at Je.

Ayon kay Villanueva, naging malaking tulong ang mga impormasyong ibinigay ng mga ito para maging matagumpay ang pagsasagawa nila ng anti-drug operations, pagkumpiska ng milyon-milyong halaga ng mga iligal na droga at pag-aresto ng mga high-value target drug personality sa ilalim ng ‘PDEA Operation: Private Eye.’

Ang impormante na may pinakamalaking reward na natanggap ay si “Pantalan” na nakapag-uwi ng P722,076.24 matapos makapagbigay ng impormasyon sa PDEA Regional Office VII Seaport Interdiction Unit na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 12,003.7186 gramo ng shabu sa isang buy-bust operation sa isang bodega sa A.S. Fortuna St., Barangay Bakilid, Mandaue City noong Agosto 15, 2020.

Ang PDEA “Operation Private Eye” ay isang citizen-based information collection program upang hikayatin ang aktibong partisipasyon ng mga pribadong mamamayan sa pagsusumbong ng mga illegal drug activity sa kanilang komunidad. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.