Abante Tonite Interactive

Mga ‘person of interest’ sa sinunog na ex-cong hawak ng PNP

257

Mayroon na umanong listahan ng mga ‘person of interest’ ang Philippine National Police (PNP) na hinihinalang may kina­laman sa ginawang panu­nunog kay dating Batangas 2nd District Congressman Edgar Mendoza at dalawang kasama nito habang sakay ng kotse sa Tia­ong, Quezon.

Sa isang interview, sinabi ni PNP spokesman Bernard Banac na iniim­bestigahan na ngayon ng Calabarzon (Region4-A) ang insidente upang matukoy ang utak ng karu­maldumal na krimen at kung ano ang tunay na motibo sa insidente.

Ayon kay Banac, standard operating procedure (SOP) ang isinagawang DNA testing sa tatlong sunog na bangkay na pinaniniwalang kay Mendoza at sa driver at bodyguard nito, at bagama’t kinilala na ng pamilya ni Mendoza ang bangkay ng da­ting kongresista, kailangan pa ring masuportahan ito ng isinagawang imbestigasyon upang makumpirma ang totoong pagkaka­kilanlan ng mga biktima.

Sa pinakahuling report, posibleng hindi umano nakarating sa Calamba City sina dating Batangas 2nd District Congressman Edgar Mendoza at dalawan­g kasama nito na siyang hinihinalang sakay sa sinunog na kotse sa Tia­ong, Quezon.

Ito ay matapos makita sa nakalap na CCTV footag­e na dumaan ang kotse sa mga Brgy. Cabay at Brgy. San Juan bago ito pumasok sa maliit na kalsada patungo sa tulay sa Brgy. San Francisco, lahat ay sa bayan ng Tiaong.

Ayon kay Maj. Lawrence Panganiban, hepe ng Tiaong police, kung ang pagbabasehan aniya ay kuha sa CCTV, ang kotse ay naggaling sa direksyon ng bayan ng San Juan, Batangas at lumu­sot sa Marcial C. Punzalan Jr. Highway patungo sa direksyon ng Tiaong.

Nasa 37 kilometro lamang ang layo ng bayan ng San Juan mula Lipa City kung saan huling nagkaroon ng kontak dito at at 12 kilometro naman mula San Juan, Batangas hanggang sa tulay kungsaan sinunog ang kotse.

Sa unang pahayag ng pamilya, patungo umano sa Calamba City sa Laguna sina Mendoza at ang dri­ver at aide nito nang uma­lis sa kanilang bahay sa Balagtas sa Batangas City.

Huli aniyang nagkaroon ng kontak kay Mendoza habang ang mga ito ay kumakain ng tanghalian sa Lipa City.

Kaya isa sa pagtutuunan ng masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ay kungsaan napapunta sina Mendoza sa huling 12 oras noong Miyerkoles nang tanghali hanggang sa matagpuang nasusunog ang kotse noong pasado alas-12:00 nang hatinggabi.

Nakaburol na ngayon ang mga labi ni Mendoza sa Batangas City. (Ronilo Dagos)