Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga Pinoy desperado sa mabagal na hustisya – Lacson

0 222

Pinagdudusahan ng sambayanang Pilipino ang mabagal na hustisya sa bansa katulad ng kanilang mga naranasan ngayong COVID-19 pandemic mula sa kawalang aksyon ng gobyerno, ayon kay Partido Reporma presidential candidate Senador Panfilo `Ping’ Lacson.

Binigyang-diin ni Lacson na hindi naman sila nagkulang ng kanyang mga kasamahan sa Senado para ilantad ang mga anomalya sa gobyerno at maparusahan ang mga kurakot sa kaban ng bayan.

Subalit sa kabila aniya ng kanyang mga inilantad ng anomalya sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at sa mga ipinasang batas para protektahan ilang sektor ay hindi pa rin nakakamit ng bansa ang hustisya dahil sa mga kakulangan sa pagpapatupad ng batas.

Dahil aniya rito, labis na apektado ang mga healthcare worker, tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan, mga magsasaka at mangingisda ngayong nasa pangatlong taon na ang pandemyang hatid ng COVID.

Ginawang halimbawa ni Lacson ang Universal Healthcare Law na ipinasa ng Senado at naging batas noong 2018 subalit hanggang ngayon hindi pa ito naipatutupad ng ganap sanhi ng kakulangan ng pondo.

SM food to go Banner Ad

Nakapanlulumo pa aniya na bagama’t kulang sa pondo ang Universal Healthcare Law, may mga nadiskubre pang korapsiyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

“Ang nangyari — ‘di ba, ‘nung nag-imbestiga kami noong 2019-2020 — ang nangyari noon natuklasan namin P14-bilyon ang nawaldas ng PhilHealth,” sabi ni Lacson.

Matapos ang imbestigasyon ng Senado ay ibinigay nila ang report at mga impormasyon sa Department of Justice (DOJ) para masampahan ng kaso ng Ombudsman ang mga sangkot na opisyal.

“[Sa] kasamaang-palad hanggang ngayon naka-pending `yong mga kaso, hindi pa umaangat sa Sandiganbayan. Ito ‘yong mga dating matataas na opisyal ng PhilHealth na ngayon [ay] nasasakdal. Napakabagal ng takbo ng ating hustisya,” sabi ni Lacson.

Tiniyak ni Lacson na sakaling siya ang maupo bilang susunod na pangulo ng bansa ay sisiguraduhin niyang maipatutupad ang mga batas na ipinasa nila sa Senado para sa mga Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.