Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga Pinoy hindi marunong sumunod

0 297

Tumataas na naman ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa kabila ng mga ipinaiiral na paghihigpit ng gobyerno para hindi matamaan ng kontaminasyon.

Ilang araw na lamang at isang taon na ang dinaranas na sakripisyo at perwisyo ng mga Pilipino simula ipatupad ng gobyerno ang lockdown noong Marso 2020 pero sa halip na matapos ang kalbaryo ay tila lumala pa dahil biglang sumirit ang dami ng mga tinamaan ng COVID-19 nitong nakalipas na araw.

Ang sabi ng mga eksperto, bumaba ang compliance o pagsunod ng publiko sa mga ipinaiiral na minimum health standards kaya madaling kumalat ang kontaminasyon, idagdag pa rito ang paglitaw ng mga bagong COVID variants.

Batay sa obserbasyon ng mga ekspeto sa medisina, hindi na naipatutupad ang mahigpit naminimum health standards at tila ba nakampante ang mga Pilipino dahil dumating na ang mga bakuna sa bansa.

Hindi nakapagtatakang tumaas ang kontaminasyon dahil maraming hindi sumusunod sa simpleng pagsusuot ng face shield.

May mga pilosopo pang kapag nasisita dahil sa hindi maayos na pagsusuot ng face shield ay ikakatwirang hindi makahinga dahil nakasuot na ito ng face mask.

Marami sa malls ang nakataas ang face mask na animo ay palamuti lang sa ulo at ginawang headband masabi lang na mayroon itong face shield.

SM food to go Banner Ad

Kahit sa mga pampublikong lugar na maraming mga tao, karamihan ay hindi maayos ang suot na face shield na animo ay hindi sila kakapitan ng COVID-19.

Kaya naman ang Malacañang at maging ang nga medical experts ay muling nagpaalala na sumunod sa basic health protocols para makaligtas sa bagsik ng COVID-19.

Hindi po biro ang hirap at sakripisyo, bukod pa sa gastos sa ospital kapag tinamaan ng bagsik ng COVID-19 kaya mahalagang makipagtulungan sa gobyerno sa pamamagitan ng pagsunod sa mga paalala at pakiusap.

Huwag ng hintaying masita pa ng mga otoridad o kaya ay mga opisyal ng barangay bago sumunod sa simpleng pagsusuot ng face mask, face shield at pagsunod sa social distancing. Hindi naman siguro mahirap sundin ito kung pairalin ang common sense, maliban na lamang kung gustong-gusto ng makita si San Pedro o kaya si Satanas.

Kilala ang ilang Pinoy na pasaway, pero huwag sana sa pagkakataong ito dahil may pandemya at hindi lang kayo ang mahihirapan kapag nagka-COVID; dinadagdagan ninyo ang hirap at sakripisyo ng mga duktor at nurses na mag-aalaga sa inyo sa ospital bukod pa sa posibilidad na mahawa ang mga ito.

Sumunod po tayo sa paalala ng gobyerno para makabuwelo na tayo at makapaghanapbuhay para sa ating pamilya at para sa ekonomiya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.