Abante Tonite Interactive

Mga Pinoy nagpasikat sa Manila Super Series 13

170

Dinomina ng Pinoy poker players ang Warm-Up Event ng Manila Super Series 13 na natapos nitong Miyerkoles sa Okada.

Mukhang naging ins­pirado ang mga poker player natin dahil sa naging tagumpay rin ng mga kababayan nating atleta sa 30th Southeast Asian Games 2019 na nagwakas nito ring Disyembre 11 sa NCC Athletics Stadium.

Tinanghal na kampeon sa Warm-Up Event ng huling international poker series sa bansa ngayong taon si Maxwell Philippe Rosete na katabi ko sa final table ng Warm-Up Event ng Manila Super Series 12 nitong Nobyembre.
Pumang-apat lang si Rosete noon, pero sini­guro n’ya na ngayon na siya ang magwawagi.

Naibulsa ni Rosete­ ang top prize na P298,500 habang ang mga kababayan pa na­ting sina Jiego Erquiaga at Mary Jane Daypuyart ay nagsipag-uwi naman ng P189,500 at P142,000.

Si Steven Steven ng Indonesia ang pumang-apat para maging best finisher sa mga banyaga. Nakakubra siya ng P115,000.

Mas konti ang sumali ngayon kumpara sa Manila Super Series 12 dahil na rin siguro sa takot na maipit sa trapiko sa Metro Manila sa pagdaraos ng SEA Games sa bansa sa Luzon.

‘Di rin nakasali ang inyong lingkod sa Warm-Up Event dahil sa medyo abala tayo sa ating day job. Pero lalaro tayo sa Main Event at siyempre ibabahagi ko sa inyo ang mga aksiyon doon sa susunod kong kolum.

Medyo may kamahalan ang buy-in sa Main Event kaya susubukan kong dumaan sa Satellite Event. Nasa P12,000 kasi ang kailangan mong ilabas para makasali ng direkta sa Main Event habang P2,000 lang sa Satellite Event. ‘Di ka nga lang nakakasiguro kung aabot ka sa cut para makalaro sa Main Event.