Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga Pinoy nurse: Hindi kami kalakal!

0 94

Hindi nagustuhan ng isang grupo ng mga nurse sa Pilipinas ang plano umano ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magpadala ng mga medical worker sa United Kingdom at Germany kapalit ng bakuna laban sa COVID-19.

“Nadismaya po kami kasi parang `yong treatment po sa mga nurses at iba pang health workers ay tila ba para kaming kalakal or commodities,” reaksyon ni Filipino Nurses United secretary general Jocelyn Andamo.

Giit nito, karapatan ng mga nurse at iba pang health worker ang magtrabaho sa ibang bansa dahil hindi sapat ang sahod nila sa Pilipinas kung kaya’t hindi rin sila dapat pigilang umalis.

Sabi pa ni Andamo sa panayam sa telebisyon nitong Miyerkoles, trabaho naman ng gobyerno na siguruhin ang pangangailangan ng bansa sa bakuna kontra COVID-19.

Pumalag din si Quezon Rep. Helen Tan sa panukala ng DOLE na gawing palit-bakuna ang mga medical worker dahil hindi aniya magandang ideya ito lalo pa nangangailangan din ang Pilipinas ng mga health worker.

Ayon kay Tan, marami pang ibang paraan na maaaring gawin ang pamahalaan para makakuha ng bakuna.

Samantala, nilinaw naman ni DOLE Information and Public Service Director Rolly Francia sa isang virtual forum na hindi magpapadala ang gobyerno ng mga nurse sa UK at Germany bilang kapalit ng bakuna.

“Hindi po intensyon ng department na ituring na materyal upang i-trade ang ating nurses para lang makakuha ng vaccines. At hindi rin po intensyon na ituring na commodity ang ating nurses para i-barter with whatever material that we may have,” ani Francia.(Eralyn Prado)

Leave A Reply

Your email address will not be published.