Abante Tonite Interactive

Mga Pinoy performer lockdown sa Canada

0 668

Sa isang larawan na nakita namin ay parang ghost town na rin ang Winnipeg, Canada. Ganu’n katindi ang mapamuksang COVID-19, walang pinipiling bansa, lahat ay binibiktima.

Para sa amin ay ekstensiyon ng Pilipinas ang Winnipeg. Sa lahat ng siyudad na napuntahan namin du’n ay pinakaespesyal para sa amin ang lugar dahil para kaming hindi umalis ng Pilipinas.

Pinas na Pinas ang kapaligiran. Maraming ginaganap na party ang mga Tagalog, Ilokano, Bisaya, Caviteno, Ilonggo, Bicolano, Kapampangan at iba pang lahi natin na ilang dekada nang nagtatrabaho-naninirahan sa Winnipeg.

Para lang din silang nandito sa atin pagkatapos ng kanilang trabaho. Ibang-iba ang mga Pinoy du’n kesa sa mga kababayan nating nasa Amerika na may dalawa hanggang tatlong trabaho kaya halos wala nang oras para sa kanilang sarili.

Sa isang sikat na coffee shop sa Winnipeg na parang lechong-manok at hot pandesal sa dami ng sangay ay puro Pinoy ang karamihang tauhan.

Du’n sila nagsasama-sama tuwing hapon, ang iingay ng mga kababayan natin sa kanilang mga kuwentuhan, napakasarap makisakay sa masarap nilang halakhakan.

Tatlong anak-anakan namin ang ilang dekada nang nagtatrabaho sa Winnipeg. Sina Rey-Ar Reyes, Issi Bartolome at Neil Soliven. Napakaespesyal nila sa aming puso.

Si Rey-Ar ang creative consultant ng pinakasikat na pahayagan sa buong Manitoba, ang nakasasakop sa Winnipeg, ang Pilipino Express News Magazine.

Mga balita rin dito sa Pilipinas ang laman ng pahayagan, nagkokolum din kami sa kanila, puro Pinoy sila na nagpapatakbo sa d’yaryong tumutulong sa mga artistang Pinoy na nagko-concert sa buong Canada.

May isang Canadian silang kasama sa pahayagan, si Paul Morrow. Pero huwag sukatin ang kahusayan nito sa ating lengguwahe, hindi ito maaaring ibenta, mas mahusay pa itong magsalita ng Pilipino kesa sa taal na dito ipinanganak at lumaki.

Si Rey-Ar ay nakalinya sa pahayagan, si Neil Soliven naman ay opisyal ng Unyon sa isang napakalaking kumpanyang gumagawa ng mga bus, at si Issi Bartolome ay kabilang sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa matagumpay na bakery sa buong Canada.

Halos araw-araw silang magkakasama, nagdadala ng pagkain si Neil sa bahay na tinitirhan nina Rey-Ar at Issi, para silang nagpi-picnic bilang regular nilang bonding.

Ngayon ay tigil muna ang malakihang party ng mga Pinoy sa Winnipeg. Kalat na rin ang COVID-19 sa kanila, matindi na rin ang kanilang lockdown, may oras lang ang kanilang paglabas para sa pamimili ng mga pangunahin nilang pangangailangan.

Wala na ring Pinoy performers na nagso-show, isandaang porsiyento rin nilang ginagawa ang enhanced community quarantine, para na ngang ghost town ngayon ang Winnipeg.

Siguradong matinding sakripisyo at pagkasabik ang nararamdaman ngayon ng mga Pinoy senior citizens du’n, halos linggo-linggo kasi ay may binubuo silang party, ‘yun ang matinding binabantayan at ipinagbabawal ngayon sa mga kababayan nating may edad na.

Patuloy ang aming panalangin na sana’y matapos na ang indultong bumabalot sa buong bansa ngayon. Lumipad na sana sa ibang planeta ang COVID-19, ang aming pakikiramay sa mga pamilyang nalagasan ng miyembro, harinawang makaligtas naman ang marami nating kababayang dinapuan ng mikrobyo.

Lagi nating tatandaan, bawal na bawal ang maging POSITIBO ngayon, kailangan nating maging NEGA sa COVID-19.