Abante Tonite Interactive

Mga Pinoy sa exchange visitors program sa New York, pinayuhang umuwi

384

Pinayuhan ng Philippine Consulate Office sa New York, USA ang mga Pilipinong nasa exchange visitors program na bumalik na lamang sa Pilipinas dahil sa epekto ng COVID-19.

Sinabi ni Philippine Consul General to New York Claro Cristobal na maraming naapektuhan sa mga ito dahil nawalan sila ng pansamantalang pagkakitaan matapos magsara ang maraming business establishment sa New York.

Kabilang sa mga Pinoy na nasa exchange visitors program ay mga trainees, guro, mga doktor na nagpapakadalubhasa sa Amerika at nagtatrabaho bilang part-time sa mga hotel, restaurants, resorts at iba pa.

“Ang mga kababayan na lumalapit sa konsulado at humihingi ng tulong ay iyong nandito on short term -based trip. Kaya po ina-advise natin na umuwi na lamang sila sa Pilipinas,” ani Cristobal.

Batay sa record ng konsulado, sinabi ni Cristobal na pitong Pilipino na ang nasawi dahil sa COVID-19, habang ilang dosena na ang nasa mga hospital at inoobserbahan at ginagamot .

” Nakakalungkot po na pito na sa ating mga kababayan ang nasawi dahil sa sakit na ito at ilang dosena ang kasalukuyang nasa mga ospital at inilalaban ang kanilang buhay dahil sa COVID-19,” dagdag pa ni Cristobal. (Aileen Taliping)

Tonite – Wendys Inhouse Ad