Abante Tonite Interactive

Mga Pinoy sa Syria binalaan sa missile attack

By ,
582

Nagpalabas ng security warning ang Philippine government sa tinatayang 1,000 Filipino sa Syria na posibleng madamay sa missile strike ng Estados Unidos, United Kingdom at France sa mga pinaniniwalaang pasilidad ng chemical weapon ng Syria.

Ito’y matapos paulanan ng 100 missile kahapon ang Syria bilang parusa umano sa pagpatay sa higit 40 si­bilyan sa Douma, gamit ang poison gas, noong nakaraang linggo.

Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Elmer Cato, wala pang natatanggap na abiso ang Philippine embassy na nanga­ngailangan ng tulong ang higit kumulang 500 Pinoy sa Damascus at 500 pang naninirahan sa ibang panig ng Syria.
Sa kabila nito, pinaalalahanan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Filipino doon na manatili sa kanilang bahay at iwasan ang pagbiyahe.

“The embassy has issued an advisory requesting our kababayans to stay in their homes until further advise,” ayon sa statement ni Cato.

Mayroong 17,000 Pinoy na nagtatrabaho sa Syria nang pumutok ang civil war noong 2011.

Sa ngayon, ang natitirang Filipino na lamang doon ay nakapag-asawa ng Syrian at nagtatrabaho bilang household service worker.

Wala namang naiulat na nasaktan na Pinoy sa isinagawang air strike dakong alas-kuwatro ng madaling-araw (alas-nuebe ng umaga sa Pilipinas) nitong Sabado.

Ligtas din ang lahat ng personnel ng Philippine Embassy sa Damascus sa pangunguna ni Charge d’Affaires Crescente Relacion.

Tatlong lugar sa Syria ang tinarget ng missile attack, isa dito ay isang kilometro lang ang layo mula sa Philippine chancery.

“It was like New Year in Manila,” pagsasalara­wan ni Relacio sa isang oras na pagpapaulan ng missile sa Syria.