Abante Tonite Interactive

Mga Pinoy seaman bayani sa COVID crisis

704

Nagbigay-pugay ang Department of Transportation (DOTr) at Maritime Industry Authority (MARINA) sa mga Pilipinong seaman na buong tapang na hinaharap ang kanilang trabaho sa kabila ng banta na maaaring mahawa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) habang nasa karagatan.

“Thank you for continuing to serve the country despite these very challenging and difficult circumstances,” nakasaad sa Facebook page ng DOTr nitong Sabado.

Kung wala umano ang mga Pinoy seaman ay para na ring huminto ang pag-ikot ng mundo dahil sila ang naghahatid ng mga pangunahing pangangailangan ng mga tao katulad ng pagkain, gamot, at mga medical supply sa iba’t ibang panig ng daigdig.

“Saludo kami sa inyo,” ayon pa sa DOTr at MARINA.

Kabilang ang maritime industry sa apektado ng paglaganap ng COVID-19 sa iba’t ibang bansa.

Isa sa lubhang apektado ng heath crisis sa COVID-19 ang cruise ship industry na maraming crew at pasaherong naglalakbay sa iba’t ibang bansa.

Noong Pebrero 2020 lamang, isinailalim sa quarantine ang MV Diamond Princess cruise ship sa Yokohama, Japan matapos na isang sakay nito ang makumpirmang may COVID-19. Mahigit 400 Filipino crew ang sakay ng nasabing cruise ship.

Isa pang cruise ship ang MV Grand Princess ay isinailalim naman sa quarantine sa California. Mahigit 400 Pilipino crew at anim na pasahero ang sakay nito.