Abante Tonite Interactive

Mga Pinoy titino kaya sa Anti-Bastos Law?

535

Mainit na pinag-uusapan ngayon ang Anti-Bastos Law na pinir-mahan bilang ganap na batas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

May katapat na ka-sing multa at parusa ang sino mang lalabag sa batas kapag napatunayang nambatos sa sinoman, lalo na sa mga kababaihan at sa mga miyembro ng LGBT (lesbian, gay, bisexual at transgender) sa bansa.

Mula sa simpleng pagsipol, birong may halong-sexual na pakahulugan, pagmumura, at mga makahulugang tinging may malisya pati na ang pagsunod-sunod o stalking at cyber stalking ay nakapaloob sa probisyon ng bagong batas na may katapat na multa.

Hindi maikakailang ang mga Pinoy ay mapagbiro pero kung minsan ay lumalagpas sa limitasyon kaya ang pakiramdam ng biniro ay bastos ang dating .
Mayroon namang li-teral na bastos, gaya ng pagpapakita ng maseselang parte ng katawan o gumagawa ng kahalayan sa publiko na tila ba nasisiyahan pang ipakita kung ano ang ginagawa.

Kung gagawing seryoso ang pagpapatupad sa batas ay tiyak na maraming magiging trabaho ang mga inatasang magmonitor sa implementasyon nito at magiging abala ang mga magtatakda ng multa sa mga bastos na mamamayan.
Ang Philippine Commission on Women (PCW) ang siyang mangunguna sa pagbalangkas ng implementing rules and regulations katuwang ang iba pang kagawaran ng gobyerno kaya dito masusubukan kung epektibo ang batas at kung susunod si Juan dela Cruz.

Magtatatag ng DILG ng anti-sexual harassment hotline para madaling maaksiyonan ang isang reklamo habang maglalabas ng ordinansa ang lahat ng bayan at lungsod na magtatakda ng mga bawal alinsunod sa itinatakda ng batas.

Hindi maitatangging sa pagbabago ng panahon ay nagbabago rin ang asal at ugali ng mga tao at tila nakaligtaan naman ng mga opis­yal ng gobyerno ang moral responsibility sa kanilang constituents kaya hindi nagabayan ng maayos ang kanilang mamamayan.

Ang disiplina ay hindi lamang sa magulang dapat magsimula kundi sa mga inihalal na opis-yal na dapat ay gagabay sa mga tao.

Malakas din ang impluwensiya ng mga kaibigan at komunidad sa inaasal ng isang tao at kapag ito ang araw-araw na naririnig at nakikita ay siya na ring ginagawa sa kalaunan.

Ngayong naging moderno na halos ang lahat, iba na rin ang takbo ng utak ng mga tao dahil sa impluwensiya ng bagong teknolohiya kaya mayroon na rin ang tinatawag na “high tech” na pambabastos sa kapwa.

Pero para sa mga kritiko ng gobyerno, ang Anti-bastos law ay dapat na sundin mismo ng Presidente ng bansa dahil isa umano ito sa mga lumalabag nito.

Matatandaang naga-galit ang mga grupong kababaihan kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano’y mga birong bastos nito sa mga babae, lalo na sa mga kritiko nito na minumura pa.

Pero iginiit naman ng tagapagsalita ng Pangulo na si Secretary Salvador Panelo, mapagbiro lang ang Pangulo at hindi ito bastos sa mga babae.

Kayo na ang bahalang humusga dahil ipapatupad pa lamang ang batas kaya abangan natin sa mga susunod na araw kung susunod ang mga bastos na Pinoy dahil sa multa pa lamang ay tiyak na sasakit ang bulsa ng sino mang mahuhuli at mapapatunayang lu­mabag dito.