Abante Tonite Interactive

Mga Pinoy, world-class humanitarian workers din!

380

ANG SA AKIN LANG
Julius Segovia

Karaniwang nangi­ngibambansa ang mga kababayan natin para iahon ang kanilang pamilya sa hirap at ma­bigyan sila ng magandang buhay sa Pilipinas.

Pero alam niyo bang ilan sa ating mga kababa­yan, pinipiling umalis ng bansa para naman tumulong bilang overseas humanitarian workers?

Ang international medical humanitarian organization na Doctors Without Borders o Medecins Sans Frontieres (MSF), halimbawa, mayroong 108 na Pilipinong medical at non-medi­cal staff na naka-deploy sa iba’t ibang proyekto ng NGO sa mahigit 70 bansa para tumugon sa panga­ngailangang medikal ng mga apektado ng giyera, kalamidad, epidemya at kawalan ng access sa kalusugan.

Pilipinong doktor din ang kauna-unahang field worker recruit ng Doctors Without Borders mula sa South East Asia na dineploy noong 1994 sa Africa.

Pilipinong doktor din ang nagsagawa ng recruitment talk para sa grupo sa katatapos lang na exhibit ng MSF sa Cebu City nitong June 07-12.

Paliwanag ni Dr. Morpheus Causing, na dati ring president ng board of directors ng Doctors Without Borders – Hong Kong section, isa ang pagtatrabaho para sa MSF sa suportang puwedeng ibigay ng mga Pinoy sa grupo.

Bukod sa mga doktor, kailangan din ng MSF ang mga nurse, pharmacists, medical technologists, physical therapists, journalists, engineers, human resources specialists, at finance at IT personnel. Sa katunayan, 47% ng mga field worker ng grupo ay non-medical staff.

Habang nakatuon kasi ang pansin ng mga doktor at medical staff sa pa­ngangalaga sa mga pasyente, kaila­ngan ng suporta ng non-medical staff. Ang mga logistician halimbawa ang nagtitiyak na may sapat na medical supplies, equipment at mga kagamitan para sa pagpapatakbo ng ospital.

Sinisiguro naman ng mga HR personnel na may sapat na manpower ang mga ospital, samantalang ang mga taga-finance naman ang nag-aasikaso ng budget para sa mga gastusin sa mga proyekto at humanitarian missions.

Sa mga interesadong mapabilang bilang humanitarian workers para sa MSF, bisitahin ang kanilang website www.msf-seasia.org, at social media account sa Facebook na @msf.philippines para sa mga pinakahuling anunsyo ng mga bakanteng posisyon.