Mga Pogo worker kalat na hanggang Laguna
Dumadagsa pa rin ang mga dayuhang iligal na nagtatrabaho sa bansa sa kabila ng ginagawa na ngayong paghihigpit ng Bureau of Immigration (BI) sa mga ito.
Nito lamang nakalipas na linggo ay mahigit 300 Chinese nationals ang ipina-deport ng gobyerno pabalik sa China matapos mapatunayang iligal ang pananatili at pagtatrabaho ng mga ito sa mga kompanya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na pinapatakbo rin ng mga dayuhang negosyante.
Kung dati ay napapansin lang ang pagdami ng illegal foreign workers sa Metro Manila at Subic area, nakaabot na rin ang mga ito sa ilang lugar sa Laguna.
Ang dating bakanteng mga lote malapit sa isang water adventure park sa Laguna ay mayroon ng mga naitayong low rise building na ang mga nakatira ay mga dayuhan.
Mabilis ang pagdami ng mga ito at nagtatrabaho sa mga online gaming na nasa commercial centers sa lalawigan.
Bagama’t hindi naman nanggugulo ang mga dayuhang illegal workers, ang tingin ng mga Pilipino ay inaagawan sila ng oportunidad at trabaho ng mga ito dahil maraming mga Pinoy ang wala pa ring trabaho.
Pero ang katwiran naman ng mga nagmamantine ng online gaming, may balakid sa mga Pinoy dahil hindi marunong ang mga ito na magsalita ng Mandarin, ang salita ng mga Chinese.
Ito ang dahilan kaya mga Chinese ang kinuhang magtrabaho sa online gaming.
Bagama’t naghihigpit naman ang BI sa mga dayuhang illegal workers, medyo pinagdadahan-dahan sila ang Malacañang dahil isinaalang-alang ang mga Pilipinong nagtatrabaho rin sa China na posibleng maapektuhan kapag agad-agad na pinalayas ang mga ito sa bansa.
Kapag magiging masyadong maluwag ang gobyerno sa mga ito, posibleng sa mga susunod na araw ay nakakalat na ang mga ito sa mga pangunahing siyudad sa bansa at lalong liliit ang tsansa ng mga Pinoy worker na makakuha ng trabaho dahil sa mga ito.
Dapat magkaroon din ng malinaw na polisiya ang Department of Labor and Employment sa mga POGO foreign worker dahil hanggan ngayon ay kuwestiyon pa rin kung dapat bang pagbayarin din ang mga ito ng buwis dahil hanggang ngayon ay walang napapakinabangan sa kanila ang gobyerno.