Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga politiko promoted sa vaccination priority

0 293

Iniangat na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang klasipikasyon ng mga gobernador, alkalde at mga barangay captain sa priority list ng vaccination rollout.

Kasunod umano ito ng pag-apruba ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa rekomendasyon ni DILG Undersecretary Epimaco Densing III. Aniya, mula sa dating B3, o other essential workers, nasa A4 na ngayon ang mga naturang lokal na opisyal.

Ang A4 classification ay kinabibilangan ng frontline personnel sa essential sector, kasama ang mga uniformed personnel at ang mga nasa working sector na natukoy na essential o mahalaga sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ).

“Sila po (local officials) ay considered nang A4. Noong Huwebes po ako mismo ang nagrekomenda sa IATF through the Recovery Cluster sa IATF na i-angat sila from B3 to A4,” ani Densing sa isang panayam.

“All 1,715 governors and mayors, and 42,046 barangay captains, inaprubahan po natin na iangat po ang kanilang classification,” ayon pa sa DILG official.

Base sa prioritization ng pamahalaan, sila ay tatanggap ng COVID-19 vaccine matapos ang frontline health worker na siyang itinuturing na A1; indigent senior citizen na nasa A2; at ang natitira pang senior citizen at persons with comorbidity na nasa A3 classification naman.

Samantala, kabilang naman sa A5 ang natitira pang indigent population habang kasama naman sa B1 ang mga guro at mga social worker. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.