Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga power plant tumiba sa brownout

0 196

Isiniwalat ni Senador Sherwin Gatchalian na kumita pa diumano ang mga power plant sa kabila ng pagpalya ng kanilang operasyon na nagdulot ng rotational brownout sa Luzon nitong nakalipas na linggo.

“Bigyan ko lang kayo ng halimbawa, nung May 31 2021, pumalo ng P19 per kwh ang presyo sa merkado. Noong June 1, pumalo ng P18. So ang ibig sabihin, ito `yong May 31 at saka June 1 dito tayo nagkaroon ng red alert ng brownout. Ibig sabihin makikita natin dito, tuwing red alert, tuwing magkakaroon ng brownout sisipa ang presyo ng kuryente sa merkado at ang ibig sabihin nito `yong bibili ng kuryente sa merkado magbabayad na ngayon ng P19 at P18,” sabi ni Gatchalian sa isang panayam sa radyo nitong Linggo.

Subalit ipapasa lang umano ito ng mga power plant sa kanilang mga consumer,

“Sigurado ipapasa `yan sa consumer… At the end tayo [mga consumer] ang magbabayad diyan. Siyempre ang kikita o makikinabang dito sa mataas na kuryente ay ang nag-generate ng kuryente. Ang mga power plant,” ayon sa senador.

Kung kaya’t hindi rin umano niya puwedeng sabihin na walang nangyayaring sabwatan.

“Dapat maimbestigahan ang lahat. Tingnan mo ngayon June 5, nung nagno-normalize na, bumaba na siya uli sa normal na level P4.20 per kwh. So makikita natin, ang laki ng ibinaba, from P19 to P4, so makikita natin na tuwing magkukulang ng kuryente sigurado tataas ang presyo at kapag tumaas ang presyo sigurado may makikinabang diyan,” sabi pa ni Gatchalian.

Cusi dapat akuin ang pagkukulang

Samantala, dapat umanong akuin ng Department of Energy (DOE) sa pamumuno ni Secretary Alfonso Cusi ang mga pagkukulang sa kakulangan sa supply ng kuryente na nagresulta sa rotational brownout sa Luzon kasama na ang Metro Manila.

“Sa akin, ang pinaka-basic dito, akuin ng DOE ang pagkukulang,” pahayag ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on energy. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.