Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga power tripper na pulis

0 147

May ilang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na power tripper para pahirapan ang mga mamamayan na kumukuha ng travel pass sa kanilang nasasakupan.

Personal na karanasan ito ng isang pamilyang kukuha ng travel pass mula sa isang maliit at natutulog na bayan para makapaghanapbuhay sa ibang lugar at para makaiwas na rin sa panggigipit ng ilang tiwaling mga otoridad na ang lakad ay pera pera lang sa mga maliliit na mamamayan.

Sa dami ng hininging requirements ay halos maubos na ang kakarampot na ipon ng mag-anak sa pamasahe dahil pinapabalik-balik sila ng isang nagmamagaling na pulis .

Kapag nagtatanong ang inang kukuha ng travel pass ay sinasabihan siya na sundin kung ano ang hinihinging requirements dahil si police officer umano ay dumaan sa seminar para sa pagbibigay ng travel pass.

Huling hiningi sa kumukuha ng travel pass ay ang acceptance clearance mula sa barangay na pupuntahan ng mag-anak at kahit sinabi na ng barangay officials sa pupuntahang lugar na hindi na kailangan ito ay hindi sumunod si police officer. Sa madali’t sabi, walang travel pass.

Ano ba talaga ang gusto ng mga ganitong uri ng lingkod bayan ? Taliwas ang ginagawa sa utos ng Presidente ng bansa na huwag pahirapan ang tangbayan sa simpleng transaksiyon sa gobyerno.

Lahat ng requirements ay sinunod at sa palagay ko naman hindi banta sa kalusugan ang mag-anak dahil naisyuhan na rin ang mga ito ng health certificate ng barangay pero pagdating sa police na nag-iisyu ng travel pass ay tila dumadaan ang mag-anak sa butas ng karayom!

Habang sinusulat ko ang artikulong ito ay hindi pa naiisyuhan ng travel pass ang mag-anak na ang hangad lamang ay makapaghanapbuhay dahil kabilang sila sa mga naapektuhan ng pandemya at biktima ng bulok na sistema ng mga otoridad na sinasamantala ang programa ng gobyerno para makakuha ng promosyon at pagkaperahan ang mga ito.

Hindi naman natutulog ang Diyos, malay natin sa susunod na araw ay babalik rin sa kanila ang ginagawang pagpapahirap na ginawa sa mga maliliit na mamamayan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.