Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga programa ng gobyerno, walang tigil sa gitna ng pandemya

0 494

Nang unang dumating ang COVID-19 sa Pilipinas noong Enero ng nakaraang taon, agarang nagpatupad ng lockdowns sa iba’t-ibang bahagi ng bansa at pati na rin sa ibang parte ng mundo.

Ang lockdowns ay ipinatupad para pigilan ang bilis ng pagkalat ng virus at paghahanda sa ating mga ospital at health workers sa parating na pandemya. Dahil dito, marami sa atin ay tumigil ang mundo at tuluyang nagbago ang nakasanayang buhay.

Malaki ang epekto ng naging lockdown at kasalukuyang mga restriksyon na dala ng pandemya sa ating ekonomiya. Madaming nawalan ng trabaho at mas dumami ang nangangailangan ng suporta mula sa gobyerno.

Mabilis dapat ang pag-adapt ng gobyerno. Dahil hindi pwedeng tumigil ang ating mga programa, dapat nga ay lalo pa itong palaguin.

Sa Taguig, sinigurado ng lokal na pamahalaan na patuloy ang agresibong pagbaba ng mga programa partikular sa pangkalusugan at edukasyon. Inakma natin ang ating mga programa sa panahon ng pandemya.

Una dito ang pagtayo ng libreng Telemedicine consultation para sa medikal na pangangailangan pati na rin sa Mental Health consultations ng mga residente. Isang text o tawag lang ang katapat para magpa-konsulta at humingi ng reseta at gamot na mismong dadalhin ng barangay health workers sa bahay-bahay. Mayroon ding door-to-door delivery ng mga gamot para sa mga vulnerable sectors. Kalakip nito ang mga maintenance medicine ng mga kababayang senior citizen, mga may diabetes, hypertension o high blood at sakit sa puso.

Partikular na natutulungan nito ang ating mga senior citizens at mga PWD. Ang lahat ng mga senior at PWD sa Taguig ay nakatanggap rin ng karagdagang P4,000 bukod pa sa ibang ayuda ng nasyonal at lokal na gobyerno.

SM food to go Banner Ad

Sa pagtugon sa hamon ng pandemya, agad nagtayo ang lungsod ng dalawang drive-thru testing sites, testing sa 31 health centers, contact tracing, disease surveillance teams at mala-hotel na quarantine centers.

May hatid-sundo program din tayo para sa mga pasyenteng nagpapagamot sa mga pribado o pampublikong ospital.

Kahit pa may pandemya ay nangunguna pa rin ang Taguig sa edukasyon. Lumipat sa online classes ang mga guro at estudyante. Dahil dito, inilatag sa lungsod ang Taguig Online Resources for Continuing-education at Home (TORCH) dahil hindi matitinag ng virus ang pag-abot ng kalidad na edukasyon. Nagsisilbi itong plataporma para gawing makabuluhan at ligtas ang education at skills training para sa lahat ng edad, sektor at propesyon, sa loob ng kani-kanilang tahanan.

Nagpatuloy rin ang pag-aaral ng mga estudyante sa ating mga public schools sa ilalim ng modular learning program gamit ang mga module na ginawa katuwang ang mga eksperto sa pagbuo ng mga module mula sa iba’t ibang mga international school sa lungsod. Bukod pa rito, ang dati nang natatanggap ng mga estudyante na uniporme, bag, at mga gamit, ay dinagdagan ng mga anti-COVID kit na may laman na alcohol, masks, at face shield para kanilang magamit. May kasama pa itong mga laruan at libreng flash drive.

Kung sila ay nahihirapan sa kanilang mga module, maaari silang tumawag sa Taguig TeleAral, ang mala-call center na serbisyo kung saan may lisensyadong guro na sasagot sa tawag at tutulungan nila ang estudyante sa anumang katanungan.

Para naman sa kanilang mga ate’t kuya na nasa kolehiyo, nagpamahagi ang lokal na pamahalaan ng libreng tablet sa mga guro at estudyante ng Taguig City University (TCU). Ang mga guro ay dumaan sa matinding pagsasanay kung paano mainam na magturo online. Nagtayo rin ng Teaching Hubs sa TCU upang magbigay ng teknikal na gabay sa mga guro at i-angat ang kalidad ng kanilang pagtuturo.

Ilan lamang ito sa mga bago at innovative na programa na ating ipinatupad sa Taguig. Dumaan sa masusing pagpaplano ang lokal na pamahalaan upang mainam na ipatupad ang mga programa para sa lahat dahil sa panahong ito, gobyerno ang pangunahing masasandalan ng mga tao.

Kung lahat tayo ay bukas sa mga pagbabagong dala ng pandemya, hindi magtatagal ay makakamit nating lahat ang mabilis na pag-usad at pagbangon ng ekonomiya. Hinamon tayo ng COVID-19 ngunit hindi tayo nagpatinag at ating nilabas ang pagkamalikhain at pagkamatatag na natatangi sa ating mga Pilipino. Ang laban na ito ay katumbas ng sama-samang pagsisikap ng bawat isa tungo sa recovery hindi lamang ng bansa ngunit ng buong mundo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.