Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga proyekto ni Moreno laking pakinabang sa Maynila

0 410

Noong 2019 elections, tinalo ni Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang reeleksyunistang alkalde ng Maynila na si Joseph “Erap” Estrada. Hindi tsamba ang pagkakapanalo ni Isko sa dati niyang kaalyadong si Erap dahil higit 130,000 ang naging kalamangan niya rito.

Marami ang nagsasabi na napabayaan ni Erap ang Maynila. Nawala ang dating kinang ng lungsod kaya nagsawa sa kanya ang mga Manileño. Natalo rin noon ang anak niyang si Jerika na tumatakbong konsehal ng lungsod. “Di ko alam paano nangyari, hanggang ngayon iniisip ko… sobrang bigat,” sambit pa noon ng dating pangulo.

Makalipas ang higit dalawang taon, bumalik ang sigla ng Maynila sa pamumuno ni Moreno. Kaliwa’t kanan ang pinapagawang proyekto. Ang Bagong Ospital ng Maynila, gusto niyang maging kamukha ng Makati Medical Center.

Inayos din ang makasaysayang Manila Clock Tower na dati ay ginawang bodega, tambayan ng mga daga at ipis. Ngayon, maaari na itong pasyalan ng mga tao at posible pang gawing tourist destination. Hindi ka na mananakawan ng cellphone kapag nasa tapat ka ng City Hall.

Noong elementary pa lamang ako, naging bahagi ng aming educational tour ang pagbisita sa Manila Zoo. Makalipas ang ilang dekada at administrasyon ay napabayaan ito ng mga dating namumuno kaya pag-upo ni Moreno ay pinasara niya itong upang i-rehabilitate.

Ngayon, napakaganda na ng Manila Zoo. Makikita sa entrance ng zoo ang replica ni Mali, ang pamosong elepante na naninirahan dito sapol noong 1977.

Itinuturing din na world-class ang mga pasilidad dito dahil ang mga kulungan ng hayop ay napapaligiran ng transparent glass upang sa gayon ay makalapit nang husto ang mga bisita.

Ang pinagawang Manila Zoo ay bahagi ng 20 major project sa ilalim ng maikling termino ni Moreno. At kahit may pandemic, hindi ito naging sagabal para tuparin ang kanyang pangako sa mga Manileño.

Lahat ng mga nagawa ni Moreno sa Maynila, balak niyang gawin sa buong Pilipinas kapag siya ay naging pangulo ng bansa pagkatapos ng May 9 elections.

“What happen in Manila is scalable so may prototype na with regard to housing, education, health care and jobs.” wika ng alkalde nang sumalang sa The Jessica Soho Presidential Interview na inere noong Sabado ng gabi.

Sabi pa niya sa interview, “Puro sa mga tao yung mga ginawa namin. Pabahay, edukasyon, kalusugan, trabaho. Basic governance.”

Maganda ang mga nagawa ni Moreno sa Maynila kaya nanghihinayang si dating Manila Mayor at ngayon ay Buhay Party-list Rep. Lito Atienza. Sana raw kasi, ipinagpatuloy pa niya ang pagsisilbi bilang alkalde ng lungsod.

Leave A Reply

Your email address will not be published.