Abante Tonite Interactive

Mga proyekto, programa tuloy na sa pag-usad – Rep Herrera

518

Matapos lagdaan ni Pangulong Duterte ang P4.1 trilyong national budget nitong Lunes, tiyak na tuloy-tuloy na ang paggulong ng mga proyekto at programa para sa kapakanan ng mamamayan at ng buong bansa.

Ito ang tahasang pahayag ni Cong. Bernadette Herrera ng Bagong Henerasyon Party-list, kaugnay ng pagpirma ng Pangulo sa 2020 Gene­ral Appropriations Act.

Bagaman naantala ng ilang araw ang paglagda ng Pangulo dahil sa masinsinang pagrerebyu nito, ipinaabot pa rin ng mambababatas ang kanyang taus-pusong pasasalamat sa punong ehekutibo dahil sigurado nang hindi tatakbo ang gobyerno sa ilalim ng isa pang reenacted budget.

Matatandaang noong 2019, apat na buwang na-delay ang pag-apruba sa pambansang pondo dahil sa iba’t ibang iringan ng kongreso kaugnay sa mga nilalaman ng panukala.

“Talagang tiniyak namin ngayon sa Kongreso na hindi na mauulit ang nangyari sa 2019 budget. Dahil sa pangyayaring ‘yun, muntik nang hindi maabot ng pamahalaan ang growth target nito, dahil apektado ang galaw ng ekonomiya,” ani Herrera.

Sa ilalim ng 2020 GAA, ani Herrera, P172.4 bilyon ang inilaan para sa pagpapatupad ng Universal Health Care Law.

Kabilang sa halagang ito ang P4 bilyon para sa PhilHealth na nagmula sa mga koleksyon sa sin tax.

Base pa rin sa nilalaman ng GAA, P1.495 trilyon ang mapupunta sa social services at P1.2 trilyon ang inilaan sa economic services.

Tonite – Wendys Inhouse Ad