Abante Tonite Interactive

Mga raliyista sa C-5 planong papanagutin ng MMDA

304

Pinag-aaralan ngayon ng Metropolitan Manila Development Autho­rity (MMDA) na kasuhan ang ilang supporters ng natalong kandidato sa pagkaalkalde dahil sa isinaga­wang kilos-protesta na nagdulot ng trapik sa C-5 Road, Taguig City noong Huwebes nang gabi.

Base sa pahayag kahapon ni MMDA General Manager Jojo Garcia, nasa 3,000 supporters ng natalong kandidato sa pagkaalkalde na si outgoing Taguig Representative Arnel Cerafica ang nagsagawa ng kilos-protesta, na wala aniyang kaukulang permit.

“Pinag-aaralan ng mga abogado natin sa MMDA kung ano puwede natin ikaso diyan. Obstuction, illegal parking, lahat ng puwede sa mga tao, kung may ma-identify tayo, kahit jaywalking kakasuhan ‘yan kasi nakaharang sila diyan,” ani Garcia.

Tinitingnan din aniya ng pulisya, na kung anong posibleng kaso o pag­labag ang puwedeng isampa sa mga organizer ng naturang rally.

“Kung hindi ninyo po matanggap ‘yung mga naging resulta ng eleksyon, may ahensya po para diyan. Kahit kelan po, hindi puwede dalhin sa kalsada ‘yan lalo na sa national road,” ani pa ni Garcia.

Nabatid na noong Huwebes (Mayo 23) dakong alas-sais nang gabi ay nagsagawa ng kilos-protesta ang mga supporter ni Cerafica sa C-5 Road kontra sa pagkapanalo ni Lino Cayetano sa pagkaalkalde ng naturang lungsod.
Nagdulot ng matinding trapiko ang rally dahil rush hour ito nang isagawa. (Armida Rico)