Abante Tonite Interactive

Mga rice dealer pinayagang umangkat ng mas maraming bigas

By
47

Maaari nang umangkat ng mas maraming bigas ang mga pribadong rice dealer para mapababa ang presyo nito sa bansa.

Inanunsiyo ni Presidential Spokesman Harry Roque na pinapayagan na ng National Food Authority (NFA) Council ang pribadong sektor na mag-import ng bigas na lampas sa Minimum Access Volume na itinatakda ng World Trade Organization.

Nakapaloob ang desisyon sa resolusyon ng NFA Council gamit ang private to government importation process para madagdagan ang supply ng bigas at mapababa ang presyo nito sa merkado.

Dahil dito, hiniling ni Roque sa mga opisyal ng NFA na makipagtulungan para hindi na maulit ang naranasang kakapusan ng supply ng NFA rice sa maraming lugar sa bansa.

“Mag-o-authorize ang NFA Council para sa pri­badong sektor na mag-angkat ng bigas beyond the Minimum Access Vo­lume for 2018. The NFA Council will therefore allow further importation of rice by the private sector. We ask the cooperation of the NFA administration in this regard,” ani Roque.

Magugunitang noong Enero ay umangkat ang NFA ng 250,000 metriko tonelada ng bigas mula sa Vietnam at Thailand subalit pagdating sa bansa noong Hunyo ay hindi agad naidiskarga dahil sa masamang panahon kaya hindi kaagad naipama­hagi sa mga NFA outlet sa buong bansa.
Naging dahilan ito kaya nagkaroon ng rice shortage at nagtaas ang presyo ng bigas sa bansa.

Problema rin nga­yon ng NFA ang hindi pa nai­diskargang bigas dahil binukbok ang mga ito dahil sa katagalan sa barko.