Abante Tonite Interactive

Mga sakit na kinakaharap ng mga kababaihan

450

Ni Geraldine Monzon

Anu-ano nga ba ang mga karamdaman na maaaring kaharapin ng mga kababaihan? Lalo na kung ang isang babae ay dumarating na sa edad na papunta na sa pagtanda.

Kaya naman napakaimportante na magkaroon ng malusog na pangangatawan at isipan dahil hindi biro ang mga sakit na nakaamba sa mga kababaihan. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod.

1.Kanser sa suso. Ang mga sintomas ng sakit na ito ay ang pagkakaroon ng kakaibang bukol sa suso, pagkakaroon ng inverted nipple, pagtutuklap ng balat sa nipple at pagbabago ng hugis ng suso. Ang kanser sa suso o breast cancer ay nakamamatay kung ito ay hindi agad maaagapan.

Subalit kung ito ay malalapatan agad ng kaukulang lunas gaya ng breast cancer screening, therapy o operasyon at pag-inom ng mga gamot tulad ng tamoxifen, raloxifene, anastrozole at letrozole, ang sakit na ito ay malalampasan.

2.Osteoporosis. Ito ay ang paghina ng mga buto na kahit sa simpleng pag-ubo at pag-inat ay maaari nang maapektuhan o mabali ang iyong buto. Ang mga sintomas nito ay kinabibilangan ng pagsakit ng likod, unti-unting pag-kabayukos, pananakit ng iba pang bahagi ng katawan, pagbabago ng postura at madaling pagkabali ng buto. Upang maiwasan ang ganitong sakit, siguraduhin na nakakakonsumo ka ng mga pagkain na mayaman sa protina, calcium at vitamin D. Ang paninigarilyo ay nakapagpapalala sa sakit na ito.

3.Lupus. Ito ay isang kondisyon kung saan inaatake ng immune system ang iba’t ibang bahagi ng ating katawan. Ang mga sintomas nito ay ang panghihina ng mga muscles, pamamaga ng mga kasu-kasuan, pagkakaroon ng lagnat, pagkalagas ng buhok at pamamantal sa mukha.

May pagkakahalintulad ang sintomas nito sa sintomas ng iba pang karamdaman kaya naman kakailanganin ang masusing pagsusuri ng mga doctor bago pa matiyak na ikaw ay may lupus.

4.Depression. Kung sa tingin ng iba ay hindi sakit ang depression at isa lamang pagpapaalipin sa malungkot na sitwasyon, nagkakamali sila.

Ito ay isang sakit na nangangailangan ng atensyon.Dahil sa hormones ng mga kababaihan, kaya sila ang higit na tinatamaan ng sakit na depression.

Ang sakit na ito ay nakakaapekto sa pagkain, pagtulog at daily routine natin. Ito ay maaaring dalhin habambuhay ng isang babae at ang malala ay maaaring mauwi sa pagpapakamatay.