Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga senador: Niloloko tayo ng DOH

0 599

Kinuwestiyon ng mga senador ang Department of Health (DOH) kaugnay ng kanilang pag-uulat hinggil sa biglaang paglobo ng bilang ng mga pasyenteng nakarekober sa COVID-19 sa isang araw.

“We are being fooled,” pahayag ni Senador Joel Villanueva na hindi makapaniwala sa pahayag ng DOH na umabot sa 38,075 ang gumaling noong Hulyo 30.

Sa kanyang post sa Twitter, sinabi ni Villanueva na problema sa data interpretation ng DOH at nagbibigay lang aniya ito ng ‘false sense of security’ sa mga pasyenteng may sintomas ng virus.

“Imbes na mass testing, naging mass recovery. Yung reporting style ng DOH, mas malala pa sa pagbago-bago ng panahon. #DOHunreliable #WeAreBeingFooled,” sabi ni Villanueva.

Binatikos din ni Senadora Risa Hontiveros ang DOH sa aniya’y magulo at kuwestiyonableng mga pahayag tungkol sa mga narekober sa virus.

“People are anxious [and] tired. Huwag na dagdagan, [DOH]. Nakakalito at nakakaduda ang papalit-palit na reporting system sa COVID. Pati ang kabagalan ng pag-collate at pagreport, ngayon pati sa recovered cases ,” pahayag ni Hontiveros.

“May himala ba? May madyik? Ang mga doktor, dapat nagpapagaling sa pasyente, hindi nangdudoktor ng numero at impormasyon,” pahayag naman ni Senador Francis Pangilinan at maging transparent aniya sa pag-uulat sa kaso ng COVID-19 sa bansa at tigilan na ang pagdodoktor sa kanilang datos para palabasin na nananalo ang gobyerno sa giyera kontra pandemya.

Ginawa ng senador ang pahayag matapos iulat ng DOH na nakapagtala sila ng record-high sa mga nakarekober na umano sa 38,075 sa isang araw lang dahil sa “enhanced data reconciliation efforts” ng local government units.

Kumbinsido si Pangilinan na ginugulo lang ng DOH ang data sa pamamagitan ng pagsama sa mga mild patient sa mga pasyenteng talagang nakarekober na. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.