Abante Tonite Interactive

Mga sikat na may kakaibang mukha

By
459

Kung merong naggagandahang mga tao sa mundo ay meron ding mga pangit. Dapat ba natin silang katakutan? Syempre hindi. Ang natatakot lamang sa mga pangit na hitsura ng tao ay ang mga bata. Ito ang ginagawang panakot sa kanila ng mga magulang kapag ayaw nilang sumu­nod. Kung noong araw ay nagtatago ang mga may pangit na kaanyuan dahil sa sila ay kinukutya ng mga tao, sa ngayon ay nagagamit na nila ito bilang puhunan sa kanilang trabaho tulad na lang ng pag-aartista. Hindi lang kasi ang magaganda ang kailangan sa mga palabas kundi maging ang mga pangit din. Marami tayong kilalang showbiz personalities na nagtataglay nito. May mga pangit ding nangingibabaw ang talento sa pag-awit, sa sports at iba pang la­rangan. Kaya hindi na natin pwedeng katakutan o mali­itin ang mga hindi kagandahang hitsura.

Maraming mga kilalang personalidad sa buong mundo ang may hitsurang hindi kanais-nais. Isa na rito si Michael Berryman. Si Michael ay nakilala sa kanyang pagganap sa “The Hills Have Eyes” at sa mga nakakatakot pang karakter gaya ng evil undertaker, a mutant biker, monster at iba pa. Sa totoong buhay, si Michael ay dumaranas ng sakit na Hypohidrotic Ectodermal Dysplasia. Ito ay isang pambihirang ­kondisyon kung saan ang pas­yente ay hindi tinutubuan ng buhok, kuko, ngipin at wala ring glandula ng pawis.

Si Donatella Versace ay isa rin sa tinaguriang pangit na tao, ito ay hindi dahil sa isinilang siyang may pangit na kaanyuan kundi bunga lamang ng kanyang naging bad plastic surgery. Nagkaroon siya ng malaking bibig, malaking ilong at sobrang payat na pangangatawan.

Isa rin sa may pinakapangit na anyo si Marilyn Manson. Subalit walang nakakaalam kung gaano talaga siya kapangit o ano ba talaga ang kanyang hitsura dahil sa tuwing lalabas siya sa publiko ay naka-makeup na siya ng nakakatakot at naka-costume ng nakakatakot rin.

Si Dj Qualls, tulad ni Michael Berryman ay may kondisyon ding hindi pangkaraniwan. 14 years old pa lang si DJ Qualls ay taglay na niya ang isang uri ng cancer na kung tawagin ay Hodgkin’s lymphoma. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang sa pagsikat ni DJ Qualls, tulad ni Michael ay nakilala rin siya sa larangan ng pelikula. Bago pa ito ay naging modelo rin siya ng Calvin Klein at Prada.

Sa larangan naman ng sports ay nakilala ang husay ni Ronaldinho sa football. Hindi man nito nabago ang katotohanan na siya ay may pangit na hitsura, siya naman ay nakilala rin bilang lalaking may ­mabuting puso.

Ilan lamang sila sa mga pangit na tao sa mundo na hindi dapat katakutan o kutyain. Sila ay mga tao na may kondisyong hindi dapat pagtawanan at may angking talentong dapat lang nating hangaan. Kaya kung ikaw ay isang pangit, huwag mo itong ikahiya, sa halip ay ipakita mo sa mundo ang katangian na mas may halaga kaysa sa panlabas na kaanyuan.