Abante Tonite Interactive

Mga sineng lokal na pang-international ang bibida sa Sinag Maynila 2020

415

NUI: ROLDAN CASTRO

Muling makapanonood ng mga sineng lokal na pang-international sa pagtatanghal ng Sinag Maynila 2020 sa mga piling sinehan mula ika-17 hanggang ika-24 ng Marso. Ang Sinag Maynila 2020 ay ang ika-anim na edisyon ng prestihiyosong independent film festival.

Ang Sinag Maynila ay pinamumunuan ng direktor na si Brillante Mendoza at ng big boss ng Solar Pictures na si Ginoong Wilson Tieng.

Tampok sa filmfest ang mga kalahok na limang full-length na pelikula, anim na documentary, at sampung short films. Ang limang napiling full-length na pelikula ay unang beses na mapapanood sa Pilipinas sa Sinag Maynila, 2020; apat sa mga ito ay mga world premiere. Mayroon ding mga lecture tungkol sa post-production, symposium, filmmakers’ Fellowship Night, screening ng mga world-class na pelikula at marami pang ibang ganap.

Ang mga napiling full-length na pelikula ay: He Who is Without Sin ni Jason Paul Laxamana, starring Enzo Pineda at Elijah Canlas; The Highest Peak ni Arnel Barbarona, starring Dax Alejandro at Mara Lopez; Kintsugi (Beautifully Broken) ni Lawrence Fajardo, starring JC Santos at ang Japanese actress na si Hiro Nishiuchi; Latay (Battered Husband) ni Ralston Jover, starring Lovi Poe, Allen Dizon, Snooky Serna at Mariel de Leon; at Walang Kasarian Ang Digmang Bayan (The Revolution Knows No Gender) ni Joselito Altarejos, starring Oliver Aquino, Arnold Reyes, Sandino Martin at Rita Avila.

Kasama sa Sinag Maynila 2020 documentary selection ang mga sumusunod: A Remembering of Disremembering ni Cris Bringas, Agos ni Jerel Travezonda; Coal Story, Bro ni RA Rivera; Kung Saan Ka Happy: An A.D.N. Story ni Kimberly Ilaya; Mga Bayaning Ayta ni Donnie Sacueza; at Vahay: A Documentary on The Ivatan House ni Rica Arevalo.

Kabilang naman sa lineup ng short films ay: Ang Kaibigan ni Imaginary F. ni Joey Paras; Dasal ni Angela Andres; Leave Notes ni Yssa Valdes; Nilalang (Of Being and Deceit) ni Juan Carlo Tarobal; Pabasa kan Pasyon ni Hubert Tibi; Silang Mga Nakatago sa Dilim ni Diana Manguiat at Angelica Nitura; Supot ni Philip Giordano; Tahanan ni Mick Quito; Tarang (Life’s Pedal) ni Arvin Belarmino at Patsy Ferrer; at Together ni Blasgil Tanquilut.

Ang opening ceremonies ng festival ay sa sa ika-17 ng Marso kung saan ang ipalalabas ang digitally restored at remastered na pelikulang White Slavery ni direktor Lino Brocka. Pinagbibidahan nina Sarsi Emmanuelle, Emily Loren, Jaclyn Jose, at Patrick dela Rosa ang sexy drama na isinulat ni Ricky Lee.

Kabilang sa highlights ng Sinag Maynila 2020 ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) Film Talks tampok ang libreng Post Production Workshops mula kay John Wong ng Shutter Post. Ang unang workshop, “From Computer Screen to the Big Screen” ay gaganapin sa ika-19 ng Pebrero; at ang pangalawang workshop, “Importance of Color and Power of Sound,” ay gaganapin sa ika-4 ng Marso. Ang mga ito ay gagawin sa Solar Screen Room sa Makati mula ala-una hanggang alas-singko ng hapon.

Mayroon ding film appreciation symposium tampok ang pelikulang Mindanao ni direktor Brillante Mendoza na nanalo ng Best Actress para kay Judy Ann Santos, at Best Picture, noong katatapos na 44th Metro Manila Film Festival. Ang symposium ay gaganapin sa ika-21 ng Marso, mula ala-una hanggang alas-singko ng hapon, sa SM Megamall.

Bibigyang pansin ng Sinag Maynila 2020 ang pakikipagtulungan ng mga Pinoy na filmmaker at mga filmmaker mula sa ibang bansa. Magkakaroon ng film exchange ang Asian Film Festival (AFF) na base sa Rome, Italy, at ang Sinag Maynila. Ang pelikula ng AFF na La paranza dei bamini (closing film) ni Claudio Giovannesi at Dafne ni Federico Bondi ay ipalalabas din sa UP Film Institute. At sa pagsisimula ng AFF sa ika-25 ng Marso, ipalalabas ang Mindanao bilang opening film; at ipalalabas din ang ilan sa mga natatanging obra ng Sinag Maynila at mga pelikulang inilabas ng Solar Pictures.

Ang mga magwawagi sa full-length, short film at documentary competitions ay iaanunsiyo sa Gabi ng Parangal na gaganapin sa ika-22 ng Marso, 2020.

Ang Sinag Maynila 2020 ay nabuo sa pakikipagtulungan ng official venue partners SM Retail Inc., The Podium Hall, SM, at SM Cinemas, at ng Film Development Council of the Philippines (FDCP). Nagpapasalamat din ang festival sa screening venue partners: Cinema 76 Anonas, Cinema 76 San Juan, Cinema Centenario, Gateway, Robinsons Galleria Ortigas, Robinsons Galleria Cebu, Robinsons Magnolia, SM Manila, SM Mall of Asia, SM Megamall at ang UP Film Institute.

Ang kumpletong screening schedule ay ilalabas pagdating ng Marso bago mag-ika-18 ng Marso — ang unang araw ng public screenings ng Sinag Maynila 2020. Para sa karagdagang impormasyon bisitahin ang sinagmaynila.com o ang Facebook page ng festival (Sinag Maynila.)