Abante Tonite Interactive

Mga Soccsksargen player pinag-initan ng MPBL

483

Palaisipan at kuwestiyunable pa rin sa marami sa mga tagasubaybay at maging sa ilang mismong nasa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ang agarang pagsuspinde at pagkaso sa ilang Soccsksargen Marlins Armor On.

Ang nasabing koponan na pinalitan na sa liga ng Sarangani ay dinemanda ni MPBL Commissioner Kenneth Duremdes sa basbas ni league founder Sen.

Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao sa National Bureau of Investigation at Department of Justice dahil sa umano‘y pagmamanipula sa mga laro para kumita ang basketball team sa online betting.

Kabilang sa mga idinawit ang 9 miyembro ng managing team at 11 player kung saan dalawa sa mga ito ay galing sa Saudi Arabia na sina ex-pros Norman Gonzales at Abraham ‘Abe’ Santos.

Kaduda-duda anang ilang apis­yonado na sa halip na unahing imbestigahan ang mga namumuno at coach sa koponan ay mas inipit at sinisi ang players, reaksiyon ng isang MPBL team coach na tumanggi na lang magpapangalan.

“Masyadong mabilis ang pagkaso sa players korte sa halip na hayaan munang gumulong ang imbestigasyon o parusahan muna ng liga sila (mga suspek) sa pamamagitan ng komisyoner,” reaksyon ng coach.

Hinirit nitong, “Bakit sa boxing ba walang game fixing? Sa basketball lang ba?” pagtatanong nang umaming fan din ng boksing at ni eight-division world pro champion Pacquiao na kinuwestiyon niya sa mabilis at marahas nitong hakbang.

“Alam ko nga noon may pustahan sila ng kanyang late promoter na patutulugin niya ang kalaban niya sa third round, pero fifth round niya napabagsak, parang nabatukan siya. Ewan ko lang kung nasa Youtube pa ito,” panapos ng impormante ng Abante TONITE.

Bago ito ay sinuspinde muna ni Senator Manny Pacquiao ang Soccs­ksargen Team matapos matuklasan ang alegasyon.

Sa imbestigasyon ng MPBL, nabisto ang umano’y game fixing, ang pagpapatalo ng team sa bawat game para kumita sa online betting nang sinasabing isang financier ang Chinese national na si “Mr. Sung.”
Para makumbinsing tumaya ang mga parokyano, dinidikta umano ni Sung ang magiging score ng Soccsksargen kada quarter.

Nang hingan ng komento si Commissioner Duremdes, umiwas na ito sa ilang katanungan dahil sa gumugulong na aniya ang kaso at nasa kamay na ito ngayon nang nag-iimbestiga ring NBI.

“’Yung NBI na kasi ang nag-imbestiga sa mga kung sino-sinong involved,” matipid na tugon niya. (Aivan Episcope)