Abante Tonite Interactive

Mga SSS exec tamad maningil sa P14B utang ng mga employer

By
180

Inupakan ng militanteng grupong Bayan Muna ang pagkakaapruba ng Social Security System (SSS) Rationalization Law at iginiit na dehado na naman dito ang mga mi­yembro ng ahensiya.

Giit pa ng grupo na pinagtatakpan lamang diumano ang kapalpakan at kahinaan ng mga opisyal ng SSS sa pangongolekta ng kontribusyon.

“Matagal na itong itinutulak ng mga tamad na SSS executives para lalong ‘di na nila galingan ang pango­ngolekta at paghabol sa mga pasaway na employers na ‘di nagre-remit ng SSS premiums ng mga manggagawa. Kaya ngayon ay mga manggagawa at mati­tinong employers na naman ang kanilang pahihirapan sa pagtataas ng kontribusyon sa SSS,” pahayag ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares.

Batay aniya sa ulat ng Commission on Audit (COA) noong 2017, umaabot sa P13.778 bilyong halaga ng premium at mga multa ang hindi nakokolekta ng SSS mula sa 122,658 na mga pasaway na employer habang umakyat naman sa P823 milyon ang hindi nakokolektang pautang mula sa “non-existing” o “unlisted” na mga kompanya.

Kung susumahin aniya, nasa kabuuang P14.5 bilyon ang hindi nakokolekta ng SSS.

Pero sa halip na magbanat ng buto ay itinulak aniya ng ahensiya ang batas na magbibigay-daan para itaas sa 12% ang SSS premium at pagsapit ng 2025 ay ipapalo pa ito sa 15%.

Ginagamit din umanong palusot ang P1,000 dagdag na pensyon ng mga senior at retirado.

Binatikos naman ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate ang paldong suweldo at benepisyon ng mga opisyal ng SSS gayong nakakadismaya naman ang performance ng mga ito. ­