Abante Tonite Interactive

Mga STL operator mahihirapan nang mandaya

429

Wala na umanong lusot sa gobyerno ang mga franchise operator ng small town lottery (STL) sa ipatutupad na mga bagong panuntunan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Kasunod ito ng pag-aalis ni Pangulong Rodrigo Duterte sa suspension ng STL operation noong Huwebes nang gabi.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Pane­lo na mapipigilan na ang korapsyon sa mga bagong kondisyong inilatag ng PCSO kaya hindi na maiisip na mandaya dahil mapo-forfeit ang kanilang tatlong buwang bond o deposito sa PCSO.

“‘Yung mga new conditions will prevent the corruption kasi you have to sign. Tsaka may forfeiture, ang daming conditions eh, mahihirapan na sila.

What is important to me, from my point of view, the conditions is very onerous on the part of the stl operators. Mahihirapan na silang magkaroon ng excuse not to remit or to swindle the government in respect to their shares,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na hindi pa rin lusot ang mga iniimbestigahang opisyal sa PCSO kahit pa balik-ope­rasyon na ang lotto at STL dahil papanagutin pa rin ang mga opisyal at franchise holders na nagsabwatan para mapunta sa mga ito ang mas malaking kita sana ng gobyerno.

Ayon pa kay Panelo, wala pang pinal na report sa mga iniimbestigahang opisyal dahil nagpapatuloy pa ang lifestyle check sa mga ito.

Samantala, aminado si PCSO General Manager Royina Garma na bumaba ang kita ng ahensya dahil sa dagdag na tax obligation na itinatakda ng batas at ang isyu sa STL.

Muli namang nagbabala ang Philippine National Police (PNP) na sasampahan ng kaukulang parusa ang mga pulis na sangkot sa jueteng matapos na ibalik ang STL. (Aileen Taliping/JC Cahinhinan/Edwin Balasa)