Abante Tonite Interactive

Mga sundalong napatay, nasugatan sa Samar dinalaw ni Duterte

200

Personal na binisita ni Pangulong Rodrigo ­Duterte kahapon ang mga sundalong napatay at ­nasugatan matapos makaengkuwentro ang mga miyembro ng New People’s Army sa Borongan, Eastern Samar ­nitong Lunes.

Unang pinuntahan ng Pangulo ang burol ng anim na nasawing sundalo sa Catbalogan City, Samar kung saan ipinaabot ang pakikiramay sa pamilya ng mga ito kasabay ang pagtiyak sa tulong ng gobyerno sa mag naulilang pamilya.

Pasado alas-siyete naman ng gabi ay dumiretso ang Presidente sa Divine World Hospital sa Tacloban City para tingnan ang kundisyon ng 20 sundalong ­nasugatan sa engkuwentro.

Batay sa report, nagresponde ang mga ­sundalo mula sa 14th Infantry Batallion sa isang tip na ­mayroon umanong mga NPA na nangingikil ng ­pagkain at pera sa barangay Pinanag-an sa Borongan City subalit pagdating sa lugar ay pinaulanan na ang mga sundalo ng mga putok ng baril.

Bukod dito, anim na improvised explosive device (IED) ang sabay-sabay na sumabog na naging ­dahilan kaya maraming sundalo ang nasawi at nasugatan.

Matatandaang sa North Cotabato sana ang ­pupuntahan ng Pangulo ngayong Biyernes subalit ­ipinagpaliban ito at sa halip ay ang mga sundalong nasawi at nasugatan ang binisita nito. (Aileen Taliping)