Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga sunog baga sa pandemic

0 398

Isa ako sa natuwa sa naging direktiba ni Philipine National Police (PNP) Lt. Gen. Guillermo Eleazar, Joint Task Force COVID Shield Commander sa lahat ng Police Station Commanders na ipatupad ang smoking ban sa mga pampublikong lugar sa bansa dahil nakakadagdag ito sa problema sa COVID-19.

Tatlong taon na ang inilabas na Executive Order ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal manigarilyo sa mga pampublikong lugar kasama na rito ang transport terminals, restaurants, hotels, airports at maging sa mga pampublikong jeep pero hindi ito mahigpit na naipatupad ng mga otoridad.

Wala pa ang COVID pandemic ay lantaran ang paninigarilyo kahit saan ng mga matitigas ang mukhang mga sunog-baga at kapag sinaway o pinagsabihan ay sila pa ang may ganang magalit.

Kudos kay General Eleazar at goodluck din kung ito ay seseryosohin ng mga Station Commanders.

Isang halimbawa na lamang sa Lungsod ng Maynila kung saan marami ang populasyon ng mga naninigarilyo pero hindi ito ganoon kahigpit ang panghuhuli sa mga lumalabag sa smoking ban.

Mayo 2017 pa nang pirmahan ni Pangulong Duterte ang Executive Order pero kulang sa sipa ang Department of Health (DOH) at ang PNP para sa mahigpit na implementasyon nito.

Dapat may masampolan sa mga nahuhuling lumalabag sa smoking ban para ipakitang seryoso ang gobyerno sa kampanya laban sa mga mahilig manigarilyo sa pampublikong mga lugar.

Maging ang mga commercial establishment ay unang una sa mga lumalabag sa smoking ban dahil marami pa rin ang walang smoking area na dapat sundin alinsunod sa EO ng Presidente.

Ayon kay Gen. Eleazar, mapanganib ang paninigarilyo ngayong panahon ng pandemic dahil inaatake ng coronavirus ang respiratory system at kapag nalanghap ng mga sunog-baga pati na ng mga non-smoker ang usok ay hindi malayong malagay sa alanganin ang kalusugan lalo na kapag nahalo sa usok ang virus.

Kabilang sa mga pinababantayan laban sa mga sunog-baga ay mga terminal ng bus, jeepney, at tricycle dahil dito maraming mga tao.

Sana lang hindi lang ngayong panahon ng COVID pandemic ipatupad ang smoking ban dahil hanggang ngayon ay marami pa rin ang mga pasaway at makakapal ang mukha na mga sunog-bagang walang pakundangan kung magbuga ng usok lahit sino pa ang makasinghot nito.

Isa pang sana…sana bisitahin agad kayo ni big C dahil sa katigasan ng ulo nyo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.