Abante Tonite Interactive

Mga supporter ng Otso Diretso sumugod sa PICC

422

Sumugod kahapon sa harap ng Philippine International Convention Center (PICC) ang mga supporter­ ng natalong kandidato ng Otso Diretso para pagpaliwanagin ang Commission on Elections (Comelec) sa umano’y mga iregularidad sa katatapos lang na eleksyon.

Nagsanib-puwersa ang mga miyembro ng Tindig Pilipinas, The Silent Majority at Akbayan party-list para kuwestiyunin ang mga opisyal ng Comelec na umuupo bilang National Board of Canvassers (NBC) sa canvassing ng mga balota para sa senatorial at party-list race.

Sa gitna ng mga sinisigaw nilang “Anyare Comelec?” binatikos ng mga protester ang mga technical glitches umanong nangyari sa eleksyon tulad ng mga depektibong vote counting machine (VCM), corrupted­ na SD card at ang ilang oras na delay sa updates ng transparency server ng komisyon.

Kinuwestiyon din nila ang pagkakatalaga ng Nacionalista Party bilang dominant minority party ga­yong kabilang umano si Sen. Nancy Villar, na na­ngunguna sa senatorial race, sa regional party na Hugpong ng Pagbabago (HNP) na itinatag ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

“Sa simula’t simula, maraming ginawang questionable ang Comelec. Alam niyo po si James Jimenez na Comelec spokesperson ay estudyante ko sa UST Law, kaya please lang James napakagaling mo alam kong mabuting tao ka, sabihin mo lang sa amin, ano ang nangyari,” ani Aletta Tolentino, secretary general­ ng Pwersa ng Pamayanan Para sa Voluntarismo at Reporma at convenor ng Tindig Pilipinas.

Samantala, nauna nang nanindigan ang mga opis­yal ng Comelec na walang nangyaring dayaan sa idi­naos na halalan.

Sinabi ni commissioner Rowena Guanzon na bukas sila sa isasagawang imbestigasyon kaugnay sa nasabing mga akusasyon. (Mia Billones)