Abante Tonite Interactive

Mga taga-showbiz sa PDEA: huwag kami ipahiya!

943

Nina: ROLDAN CASTRO AT ROMMEL PLACENTE

Nabulabog ang showbiz sa 31 celebrities na kasama umano sa narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Hinimok din ni PDEA Director Aaron Aquino ang mga pamunuan ng TV networks at movie company na magsagawa ng sorpresang drug testing sa kanilang mga artista at staff. Dito raw ay malalaman kung sino talaga ang lulong sa droga.

Plano raw ni Aquino na padalhan ng sulat ang mga TV station at movie outfit para pormal na hilingin ang pagsasagawa ng ‘internal cleansing’ sa loob ng kanilang kompanya.

ABS-CBN, GMA ‘di kunsintidor

Ayon sa pinadalang statement ng ABS-CBN at GMA sa isyu, nagkaisa naman ang dalawang network sa pana­natiling drug-free ng kani-kanilang kompanya at hindi nila kinukunsinti ang sinumang sangkot sa iligal na droga.

Narito ang ipinadalang statement ng ABS-CBN:

“ABS-CBN has a drug-free workplace policy that includes mandatory random drug testing of all employees. Artists and third-party contractors are also subject to drug testing as stipulated in their contracts. ABS-CBN does not condone the use of illegal drugs and those who are found to have violated the policy will be subjected to appropriate sanctions.” – Kane Errol Choa, head, ABS-CBN Corporate Communications.

At ayon naman sa GMA: “GMA Network enforces a company-wide drug-free policy. We have been conducting regular random drug testing among our employees and talents to ­ensure a safe and productive work environment for all.” – Angel Javier Cruz, Vice-President/Head Corporate Affairs and Communications, GMA Network, Inc.

Matatandaang noong 2016 ay nangasiwa ang Star Magic ng voluntary drug test sa kanilang mga artista bilang pagsuporta sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa droga. Pinangunahan ito nina Enrique Gil, Jake Cuenca, Diego Garcia. 100% negative sila noon sa drugs.

Hiningi namin ang reaksyon ng mga nasa showbiz industry kung dapat bang pangalanan ang mga artistang nasa drug list? Dapat bang isagawa ang surprise at mandatory drug test? Narito ang kanilang mga kasagutan:

Cristy Fermin (TV host, Radyo 5; anchor, columnist) – “May wawasaking karapatang pantao kapag inilantad ang pangalan ng mga artistang diumano’y kasama sa listahan ng mga gumagamit at nagbebenta ng droga. Hindi lang ang karera nila ang masisira, kungdi ang kanilang iniingatang imahe, na puhunan nila sa pag-aartista. Matagal na palang hawak ng mga otoridad ang listahan, bakit wala silang ginagawang hakbang para maiwasan ang mapamuksang bisyong ito? Bakit kailangang gawing paksa ng blind items ang mga artista? Masarap bang sakyan ang barko ng showbiz?”

Ogie Diaz (talent manager, TV host, radio anchor, movie producer) – “I think dapat muna nilang unahin ‘yung mga drug lords bago nila ilabas ang mga name ng mga artista. Baka kasi matabunan na ‘yung dapat ay priority nilang hulihin. Supplier muna bago ang end users.”

Wowie Roxas (talent manager, producer) “May list na pala sila e, bakit hindi nila ipatawag, kausapin at ipa-drug test? Bakit kaila­ngang ipangalandakan pa ang pangalan? Dapat ma­ging patas ang trato nila sa mga artista gaya ng ginagawa nila sa mga pangkaraniwang tao.”

Baron Geisler – “Ang stand ko diyan kung sigurado ang PDEA sa mga pangalang babanggitin nila, sige sabihin na nila lalo na ‘yung ­talagang talamak sa drugs. Dapat pantay-pantay, ke artista ka o hindi kung nagda-drugs ka dapat pangalanan ka. Harapin mo ‘yung consequence na ginawa mo. ‘Yung mga artista naman kung alam ninyo na nasa narco-list kayo, kausapin ninyo na lang ang PDEA, sabihin ninyo ‘di na kayo titikim ng droga, magbabago na kayo at huwag na ka­yong pangalanan. Pero dapat sumailalim kayo sa outside program like rehab.”

Jao Mapa – “Opinyon ko lang dapat pantay-pantay ke mayaman o mahirap, kilala man o hindi at dapat idaan sa tamang proseso.”
Lito de Guzman (talent manager) – “Yes naman mas maganda ‘yang mandatory drug test. Pero ‘wag ilabas. Kawawa naman. ‘Wag i-publicize kasi puwede namang dalhin sa court ‘yung individual case. Public figure ‘yan, eh at may mga personal nang family ‘yan na pinoprotektahan. Baka may chance magbago at makapaghanapbuhay pa. Ang kahihiyan ‘di mababayaran ng batas or salapi. Dapat sa court na lang.”

Romm Burlat (director) – “There should be a random drug test to settle once and for all kung sino ba talaga ang gumagamit o hindi. At para ma-erase kung fake news ba o hindi.”

Maye Tongco (sexy actress) – Dapat pangalanan talaga ang sangkot sa droga para ‘di na tularan ng ibang taga-showbiz. Agree ako.”

Josel Garlitos (scriptwriter, ABS-CBN 2) – “Siyempre hindi. Lalo na kung ‘di naman ‘yan naimbestigahan nang maayos at ginagamit lang ang list na ‘yan para maka-influence sa darating na eleksyon. Alam mo naman na natotokhang ang mga nasa list na ‘yan. Pero irresponsible ang paglabas niyan lalo pa’t wala namang nahuhuling mga vigilante na pumapatay ng mga hinihinalaang drug addicts.”

Arlyn dela Cruz (director, producer, news director/anchor sa Radyo INQUIRER) – “Drug addiction is undoubtedly a national problem that affects many sectors in society including the entertainment industry. PDEA’s list of drug users in the entertainment industry I presume is verified and a product of a thorough intelligence work. However, divulging the list will not solve the problem but will only serve the public’s curiosity and hunger for news like this one. PDEA is correct in calling the attention of TV networks and movie productions. If they have cases against the artists/actors, then they should pursue cases. But naming them constitutes shaming, which is not part of the solution.”

Nick Nangit (lawyer, spirit questor, celebrity psychic) – “Prerogative po ng Executive Branch of government natin na maglabas ng narco-list. May mga intelligence reports po na confidential at nagiging basehan ng list na ‘yun. It should apply to all, whether nasa showbiz or outside showbiz. Alam naman natin na may mga celebrities na gumagamit ng pinagbabawal na drugs. If ‘yung name nila nakasama sa list, then magpa-rehab na sila kung totoo. They can also be used to point out their suppliers to the government authorities. Ito ang dapat maputol. Kung ayaw nilang ituro, at least ihinto na nila ang pagbili.”