Abante Tonite Interactive

Mga Taiwanese, Japanese nagrambol sa kulangot

597

Nauwi sa rambol ang grupo ng nag-iinumang Taiwanese at Japanese national sa loob ng bar dahil lamang sa kulangot kahapon nang madaling-araw sa Ermita, Maynila.

Ayon kay P/Col. Igmidio Bernalez, station commander ng Manila Police District-Police Station 5, dinala sa MPD-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ang Japanese national na sina Shisaku Fujita, negosyante at ang kanyang mga kamag-anak na sina Kieth Ravina, 27, at Louigie Villanue­va, 22.

Habang dinakip din ang mga Taiwanese national na sina Chun Yi Shen, 30, Po Yu Lin, 35, Chen Chang Wu, 30, at Wen Yu Chang, 35, habang nakatakas ang tatlo pa nilang kasama.

Naganap umano ang insidente sa Capricorn bar sa Ermita, Maynila dakong alas-kuwatro nang madaling-araw.

Nagbatuhan umano ng bote ang magkabilang grupo matapos pahiran sa mukha ng kulangot ang Japanese national na si Fujita.

Una nang nagkainitan ang magkabilang grupo dahil sa ginagawang pagdaan daan ng mga suspek sa kasama nilang babae.

Hanggang sa sundan ng isa sa mga Taiwanese­ si Fujita sa comfort room at saka pinahiran ng kulangot si Fujita.

Dito na nagkasagutan si Fujita at Taiwanese na nauwi sa batuhan ng bote hanggang sa dumating ang mga pulis at inaresto ang mga suspek. ­(Juliet de Loza-Cudia)