Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga talo at panalo

0 115

Nagwagayway ng puting bandila si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano nitong Martes nang ianunsiyo niya sa kanyang Facebook Live ang kanyang hindi mababawing pagbitiw bilang Speaker ng Kamara de Representantes. Napilitan na siyang kilalanin ang pagluklok ng kanyang karibal, si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, bilang bagong pinuno ng kapulungan, matapos itong ihalal ng 186 mambabatas sa isang sesyon umano ng Kamara na ginanap sa Celebrity Sports Plaza noong Lunes. Bilang pinuno ng panig na natalo, si Cayetano ang nangunguna sa listahan ng mga kaswalti ng madugong salpukan ng magkaribal na paksyon sa hanay ng “supermajority coalition” ni Pang. Duterte sa Kamara. Kasama niya sa listahan ang kanyang mga kasamahan sa Nacionalista Party (NP), tulad ni Rep. Bambol Tolentino, na mabilis na pinalitan bilang chairman ng Committee on Accounts.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Kabilang sa listahan ng mga talunan ang National Unity Party (NUP). Labas sa NP, ang NUP ang isa sa mga makapangyarihang bloke na sumuporta sa pananatili ni Cayetano hanggang sa dulo. Prominenteng sumuporta sa kanya sina Cavite Rep. Elpidio Barzaga at Capiz Rep. Fredenil Castro, mga kilalang lider ng NUP. Walang duda na ang suporta ng NUP (at ng partido Lakas) ang nagpatibay sa determinasyon ni Cayetano na isantabi ang kasunduang term-sharing niya kay Velasco. Dapat subaybayan kung ano ang magiging papel at puwesto ng NUP sa ilalim ng bagong dispensasyon.
Kapansin-pansin ang pagsantabi kay Leyte Rep. Martin Romualdez at kanyang partidong Lakas. Bagaman nananatili siyang Majority Leader, alinsunod sa kasunduang term-sharing na itinakda ni Duterte, hindi pinaubaya sa kanya ang pagkamada ng unang sesyon sa Batasang Pambansa kung saan pinagtibay ang paghirang kay Velasco bilang Speaker. Hindi rin siya ang nanguna sa muling pagbukas ng delibersyon sa pambansang badyet. Sa halip, pinangunahan ang mga ito ni Pampanga Rep. at Deputy Majority Leader Rimpy Bondoc, na kapartido ni Velasco. Magiging titulo na lamang kaya ang pagiging Majority Leader ni Romualdez?
Unang-una sa hanay ng nagwagi si Velasco. “To the victor, belongs the spoils,” wika nga. Bilang Speaker, nasa kamay niya ang paghahati-hati ng pondo para sa mga proyekto (sa madaling sabi, “pork barrel”) na ipapaloob sa panukalang 2021 budget. Maaari na niyang bigyan ng gantimpala ang mga partido at grupong sumuporta sa kanya: ang sarili niyang partidong PDP; ang Nationalist People’s Coalition; ang Party List Coalition na pinamumunuan ni 1-Pacman Rep. Mikee Romero, at ang “Visayan Bloc”. Bukod sa paborableng alokasyon ng pork, asahang mabibigyan ng makapangyarihang puwesto sa pamunuan ng Kamara ang mga susing tao mula sa mga partidong ito.
Nagsimula na si Velasco sa pamamahagi ng gantimpala. Si Davao Rep. Paolo Duterte ay itinalaga bilang bagong Chairman ng Committee on Accounts, na may hawak sa PhP 15.8 bilyon budget ng Kamara. Itinuturing itong isa sa mga pinakamakapangyarihang puwesto sa Kamara, dahil ang chairman ng Accounts ang may kontrol sa “gripo” ng biyaya na naipamumudmod ng Speaker sa mga kinatawan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.