Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga telco lagot `pag nagpagamit sa kandidato

0 49

Pinaalalahanan ng National Privacy Commission (NPC) ang mga telecommunication company na maging responsable sa personal data ng kanilang mga kostumer lalo na ngayong papalapit ang eleksiyon.

Kasunod ito ng natanggap na emergency alert ng maraming subscriber sa kanilang mobile phone matapos na maghain ng kandidatura sa pagka-pangulo si dating senador Ferdinand `Bongbong’ Marcos Jr.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni NPC Commissioner Raymund Liboro na bagamat iniimbestigahan pa ng National Telecommunications Commission (NTC) ang insidente, dapat maagang maabisuhan ang mga telco na huwag labagin ang Data Privacy Act.

“Panahon na ng eleksiyon dapat pong ipaalala sa inyo ang inyong responsibilidad sa tamang pag-handle o pag-process ng personal data ng mga mamamayan dahil mayroon po kayong obligasyon at mayroon din po kayong liabilities kung kayo po ay lalabag sa ating Data Privacy Act,” ani Liboro.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nasa poder aniya ng NTC ang SMS broadcast kaya dapat na bantayan ang mga gagawa ng SMS blast sa panahon ng kampanya.

Sinabi ni Liboro na hindi na kailangan ang contact list sa mga SMS blast dahil maaaring gawin ito sa pamamagitan lamang ng radio waves kung saan mayroon lamang lokalidad na makakatanggap ng text blast.

May pananagutan aniya ang mga telco na gagawa ng ganitong uri ng aktibidad dahil mayroong batas na nagsasaad na dapat igalang ang privacy ng isang indibiduwal sa paggamit ng teknolohiya. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.